Janine, nahirapan sa pagtataray!

‘Kakaibang experience’ kung ilarawan ng mga bida ng hit action-drama ng ABS-CBN na Lavender Fields ang kanilang roles sa serye dahil sa ibang-iba ito sa usual na karakter na ginampanan noon.

Sa finale mediacon noong Lunes (Enero 6), sinabi ni Jodi Sta. Maria na nahirapan umano siya sa pag-shoot ng intense na action scenes dahil first time niyang magkaroon ng karakter tulad ni Jasmin Flores at Lavender Fields sa kanyang career.

“We spent hours, days, choreographing the scenes bago namin siya i-shoot. It was challenging, yes, pero for me it was a unique experience na nagawa ko sa ilang years ko sa industry,” sabi niya.

“It was a beautiful journey. I’m not going to say na naging madali pero sabi nila the harder the conflict, the more glorious the triumph. So I think ‘yun din ang special about ‘La­vender Fields,’” dagdag niya.

Hindi naman naging madali para kay Janine Gutierrez na gumanap bilang Iris Buenavidez, lalo pa at ito ang kanyang kauna-unahang kontrabida role.

“Kahit ‘yung first week of taping parang mali-mali pa rin ‘yung ginagawa ko. Napagsasabihan pa ako na masyadong nakakaawa ‘yung mata mo or ganyan. Sobrang tinulungan, sobrang patient nila sa akin until ma-achieve ko ‘yung komportable na ako kay Iris. Nalalaro ko na ‘yung pagtataray niya,” she shared.

Samantala, sabi ni Jericho Rosales, na gumanap bilang Tyrone de Vera, matapang umano ang atake sa palabas. Nais din niyang maalala ng viewers ang mga kakaibang role na ginampanan ng kanyang co-actors.

Para naman kay Jolina Magdangal, na gumanap bilang Lily Atienza, mas nahikayat siyang gumawa ng iba pang serye dahil sa Lavender Fields.

Sa nalalabing pitong gabi, abangan ang mga eksplosibong eksena, kabilang ang matinding paghaharap nina Jasmin at Iris, ang kapalaran ni Tyrone sa kulungan, at ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng anak ni Aster (Maricel Soriano).

Tutukan din kung matupad na ang hiling ni Jasmin na makumpleto ang pamilya kasama sina Tyrone at Camila. 

Kinapitan ng mga manonood ang La­vender Fields dahil sa kahanga-hangang aktingan ng cast at sa matinding storyline nito, na naging dahilan upang maging bahagi ang serye ng Top 10 Shows ng Netflix PH at iWantTFC.

Naabot din ng serye ang isang milestone dahil naitala nito ang all-time high viewership na umabot sa 755, 332 views.

Abangan ang mga pasabog na eksena sa huling dalawang linggo ng Lavender Fields tuwing weeknights simula 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. Panoorin ito in advance sa Netflix at iWantTFC.

Show comments