MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang kantahan at madyik sa Wicked: Sing Along na tumanggap ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Sa PG, puwede itong panoorin ng mga batang edad 12 pababa kasama ng magulang o nakatatanda.
Bida sa pelikula sina global superstar Ariana Grande bilang Glinda at multi-awarded artist na si Cynthia Erivo bilang Elphaba.
Mapapakinggan at masasabayan ng mga manonood ang mga pumatok na kanta tulad ng Defying Gravity, The Wizard and I, at Popular.
Swak naman sa mga naghahanap ng aksyon at pakikipagsapalaran ang animated film na Attack on Titan: The Last Attack, mula sa Pioneer Films. Ito’y rated R-13 (Restricted-13) at para sa mga edad 13 pataas.
Rated R-13 din ang Thai comedy-horror na Rider na pinagbibidahan ni Mario Maurer.
Maging ang Dominion of Darkness na tungkol sa eksorsismo at ang American action-crime-drama na Den of Thieves 2: Pantera, ay kapwa nabigyan ng R-13, dahil sa tema, lenggwahe at katatakutan.
Samantala, dahil sa matinding panawagan ng publiko, iniurong hanggang Enero 14, 2025 ang 10 pelikula na kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival.
Patuloy namang hinikayat ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na suportahan ang mga lokal at internasyunal na pelikulang palabas ngayong linggo.