MANILA, Philippines — Magdadapuang-pa-lad sa Noche Buena ang magkaribal na Barangay Ginebra at Magnolia sa isa na namang kabanata ng Christmas Clasico sa 2024 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Subalit bago ang salo-salo sa kainan at tagayan ay magpapabangbuno muna sa hardcourt ang Gin Kings at Hotshots sa main game sa alas-7:30 ng gabi ng Pamaskong double-header ng PBA tampok din ang Meralco at Converge sa alas-5 ng hapon.
Parehong nasa gitna ng standings ang Ginebra at Magnolia, bida ng ma-alamat na ‘Manila Clasico’, na may 3-2 at 2-4 kartada, ayon sa pagkakasunod, kaya krusyal ang laban upang makaakyat sa 13-team tourney papalapit sa playoffs.
Sumabak din sa Pasko ang crowd darling na Ginebra noong nakaraang taon at nakasikwat ng 86-78 panalo kontra sa Talk ‘N Text pero siguradong mapapalaban sa Magnolia ngayon sakay ng momentum.
Sa pangunguna ni Ricardo Ratliffe, naitakas ng mga bataan ni coach Chito Victolero ang 99-95 overtime win kamakalawa kontra sa NLEX upang maputol ang four-game losing skid at makaangat sa 2-4.
Bago iyon ay tumaob ang Magnolia nang sunud-sunod kontra sa Converge, NorthPort, Talk ‘N Text at Rain or Shine kaya si-guradong kumpyansa na maipagpatuloy ang ratsada kahit pa kontra sa Ginebra.
Sa kabilang banda, kagagaling lang ng Ginebra sa 98-91 kabiguan kontra sa Converge sa Batangas nitong Sabado matapos lumamang ng hanggang 17 puntos.
Bunsod nito ay paniguradong gigil na makabawi agad ang koponan ni coach Tim Cone sa pangunguna ni Justin Brownlee upang mabigyan ng magandang regalo ang fans sa Kapaskuhan.
Aalalay kay Brownlee ang pambatong local crew nina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Stephen Holt, Mav Ahanmisi at RJ Abarrientos kasama ang bagong alas na si Troy Rosario.
Pero mapapalaban sila sa hindi rin basta-bastang Hotshots na sina Calvin Abueva, Ian Sangalang, Zavier Lucero, Jerom Lastimosa, Mark Barroca, Jerrick Balanza, Jerrick Ahanmisi at Aris Dionisio.
Umaasa ang Hotshots na sasapat ito upang masuportahan si Ratliffe kasabay ng pag-asang makakalaro si Paul Lee matapos magkaroon ng minor injury sa noo sa warm-up bago ang laban nila sa NLEX.