MANILA, Philippines — Wala nga ang MaThon loveteam nina Maris Racal at Anthony Jennings sa Parade of Stars ng 50th Metro Manila Film Festival sa Maynila noong Sabado ng hapon.
Hindi na rin kinaya ni Piolo Pascual na galing pa ng GenSan, hindi na siya nakaabot sa parada, kahit pinabagal pa ito para makaabot siya.
Ang cute ring nandun ang EliKoy na sina Elijah Canlas at Kokoy de Santos ng Gameboys na, ang bongga ni Kokoy, dala-dalawa ang pelikulang pang-MMFF, ang And The Breadwinner Is… at Topakk.
Ang ganda ring tingnan nagkasama ang tatlong Santos na sina Vilma Santos, Judy Ann Santos at Aicelle Santos.
Nakadaupang palad na nagpa-picture silang tatlo para sa “Elsa loves you” ang Isang Himala.
Mahigpit na nagyakap sina Ate Vi at Juday. Hindi ko lang napansin kung nagkatsikahan roon sina Ate Vi at Lorna Tolentino.
Aliw na aliw si Judy Ann kay Dennis Trillo ng Green Bones nang magpalitrato raw sa kanila ni Gladys Reyes. Sabi raw ni Dennis, maganda raw i-caption, “Si Mara Clara at Ibarra.”
“Ang witty witty talaga ng taong ito, kahit hindi siya mukhang witty,” natatawang kuwento sa amin ni Judy Ann.
May litrato ring magkasama si Direk Zig Dulay ng aGreen Bones, at si Direk Pepe Diokno ng Isang Himala.
Facebook shoutout ni Direk Chito S. Roño ng Espantaho, “Pepe, zig, jun, richard, cris- so happy to see you all! (red heart emoji)”
Ang tinutukoy ni Direk Chito ay ang ibang mga direktor ng MMFF 2024 entries na sina Direk Pepe Diokno ng Isang Himala, Direk Zig Dulay ng Green Bones, Direk Jun Robles Lana ng And The Breadwinner Is…, Direk Richard Somes ng Topakk, at Direk Crisanto Aquino ng Hold Me Close.
Late dumating si Vice Ganda at hindi nakaabot sa meet-the-press bago ang parada. Sumampa na lang siya ng float nila pagdating nito.
Twelve kilometers ang binagtas ng Parada ng mga Bituin. Pasado 7:00 p.m. na dumating sa Manila Central Post Office ang unang float, iyong The Kingdom, kung saan nakaupo sa trono si Bossing Vic Sotto.
Sa sampung float ng MMFF 2024 entries, walang itulak-kabigin sa float ng Topakk at float ng Uninvited.
P200,000 ang cash prize para sa best float. For sure, more than P200,000 pareho ang nagastos ng dalawang produksyon.
Biruan pa nang biruan ang producers ng Topakk at Uninvited — ang magkaibigang sina Sylvia Sanchez ng Nathan Studios, at Bryan Diamante ng Mentorque Productions. Kasi naman parehong maganda ang float nila, at pagdating pa ng last stop, may bonggang fireworks pa sila.
Kaya naman ramdam mo talaga ang bonggang paghahanda ng producers na kasali sa ngayong taong MMFF.
Tama naman talaga ang sinabi ni Atty. Don Artes ng MMDA na itong ngayong taong MMFF ang pinakabongga sa lahat na film festival.
Abangan natin sa Miyerkules ang pagbubukas sa mga sinehan ng sampung pelikulang kalahok sa MMFF 2024.