Creamline muntikan sa ZUS Coffee

MANILA, Philippines — Napanatili ng nagdedepensang Creamline ang malinis nilang record matapos lusutan ang ZUS Coffee, 25-22, 28-30, 26-24, 17-25, 15-13, sa Premier Volleyball League All-Fi­lipino Conference kahapon sa Philsports Arena.

Sumosyo ang Cool Smashers sa Cignal HD Spikers sa liderato sa pareho nilang 4-0 baraha.

Nahulog naman ang Thunderbelles sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 2-3 marka.

Pumalo si Alyssa Valdez ng 17 points mula sa 16 attacks at isang block.

May 17 markers din si Bernadeth Pons habang nagdagdag sina Jema Galanza at Michele Gumabao ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod.

Inilista ng Cool Sma­shers ang 19-10 bentahe sa first set bago nakadikit ang Thunderbelles sa 22-24 sa likod nina top overall pick Thea Gagate, Jovelyn Gonzaga at Mich Gamit.

Ang crosscourt hit ni Gumabao ang nagbigay sa Creamline ng 1-0 abante, ngunit nakabawi ang ZUS Coffee sa second set para makatabla sa laro.

Nakabangon ang Cool Smashers sa third frame sa pangunguna ni Pons para agawin ang 26-24 panalo hanggang buksan ng Thunderbelles ang fifth set sa 6-0 lead.

Hindi nanginig ang Creamline at sa pagbandera nina Pons at Galanza ay tuluyan nang tinalo ang ZUS Coffee, 15-13.

Show comments