Sa mediacon ng Espantaho today, malalaman natin kung bakit pinasok na rin ni Judy Ann Santos ang pagpoprodyus ng pelikula. Kasama ang Cineko Films, co-producer din ng Quantum Films sa horror movie ang aktres at ang ipinangalan sa kanyang film outfit ay Purple Bunny.
Malalaman din natin kung bakit Purple Bunny Productions ang napiling ipangalan ni Judy Ann sa kanyang film outfit.
Matatanong din nito si Judy Ann kung ano ang partisipasyon niya sa pelikula, kasama ba siya ni Atty. Joji Alonso na pumili ng project? Kasama rin ba siya sa pumili ng co-star na kasama sa movie na kinabibilangan nina Lorna Tolentino, Janice de Belen, JC Santos at Chanda Romero. May special participation pa sina Tommy Abuel at Eugene Domigo. As for director Chito Roño, si Atty. Joji tiyak ang pumili sa kanya to direct the film.
Naipaliwanag nina Atty. Joji at Judy Ann ang ibig sabihin ng Espantaho sa Grand Media and FanCon. Ang aabangan na lang ng moviegoers ay kung paano siya ginamit ni direk Chito para makapanakot at mananakot siya, kaya maghanda nang sumigaw ang manonood simula Dec. 25, ang opening ng 2024 Metro Manila Film Festival.
Samantala, ibinalita ni Atty. Joji na napili ang Espantaho na mapabilang sa Official Competitive Section ng Fantasporto 2025. Si Judy Ann, napasigaw sa tuwa nang malaman ang tungkol dito.
Rochelle, feeling superstar sa PA!
Sa last Friday episode ng Pulang Araw, patay na ang karakter ni Rochelle Pangilinan na si Amalia. Binaril siya ng sundalong Hapon nang patayin niya sa taga ng itak ang pinaka-pinuno ng mga sundalong Hapon.
Marami ang nalungkot na hindi na siya mapapanood sa natitirang episodes ng PA dahil isa siya sa gusto ng viewers at dahil ito sa mahusay niyang pagganap sa role na ipinagkatiwala sa kanya.
Sa kanyang FB page, nagpasalamat at nagpaalam siya sa mga nagmahal kay Tiya Amalia. Pinasalamatan nito ang production, creatives at cast ng series sa pagkakataon na magampanan si Tiya Amalia.
Sabi niya, “Seriously, ‘di ako makapaniwala at nakaka-overwhelm ang appreciation n’yo kay Tiya Amalia at sa akin. Saludo po ako sa inyong lahat na bumunuo ng produksyon.”
Nabanggit niya na parang superstar ang feeling niya dahil sa PA. “Naramdaman ko na superstar ako haha dami ulit nagpapa-picture and iba’t ibang generations.”
Nabasa namin ang comment ng head writer at may concept ng PA na si Suzette Doctolero na dapat, short role lang si Rochelle at mawawala agad. Kaya lang, nagpakita ng husay at minahal siya ng mga sumusubaybay sa series ng GMA 7, kaya hinabaan ang kanyang role.
Isa sa mga eksenang tumatak sa viewers ay nang patayin niya sa pamamagitan ng itak si Neil Ryan Sese, gumanap na asawa niya. Grabe ang eksenang ‘yun, kahit tilamsik na lang ng dugo ang ipinakita sa TV dahil bawal. Siguradong sa Netflix, buo na napanood ang pagtaga niya kay Neil.