Birthday ni Jessy, naapektuhan ng Taal!

Jessy Mendiola

Kung kailan birthday ni Jessy Mendiola at dapat sana ay nagsasaya ang buong pamilya, hindi nila lubusang nagawa iyon dahil noong madaling araw  ay nagkaroon ng isang mahinang pagsabog ang Taal, at natural lahat sila ay nag-aabang kung ano pa ang kasunod na mangyayari dahil apektado ang lalawigan ng Batangas.

Kahit wala pa sa posisyon ang kanyang asawang si Luis Manzano, sina Vilma Santos at Ryan Recto sa puwesto, inaako na nilang tungkulin ang maging handang tumulong sa kanilang mga kababayan sa nangyayaring kalamidad.

Pero para nga kay Ate Vi, hindi naman importante ang nakapuwesto man siya o hindi, dahil ang pagtulong naman niya ay walang kinalaman sa pulitika kundi gusto niyang maibsan lamang ang paghihirap ng kanilang kababayan sa panahon ng kalamidad, na siya rin namang prinsipyong sinusunod nina Luis at Ryan.

“Ang magagawa lang natin ngayon ay magdasal na sana naman hindi na matuloy iyang pag-iingay ng Taal para maidaos natin nang mapayapa at maligaya ang ating Pasko,” sabi ni Ate Vi.

Neri, mas mabigat ang kaso kay Rufa Mae!

Haharapin daw ni Rufa Mae Quinto ang 14 na demandang isinampa laban sa kanya dahil sa pag-endorso ng Dermacare na pag-aari ng isang Chanda Atienza.

Pero ‘di gaya ni Neri Naig na tuwirang nag-endorso rin ng pamumuhunan sa kumpanya, nag-endorso lang si Rufa Mae ng serbisyo ng skin clinic at sinasabi ng kanyang abogado na walang kinalaman sa anumang scam na kinasangkutan ng kumpanya.

Sinabi rin ni Rufa Mae na tumalbog  din daw ang tseke na ibinayad sa kanya bilang endorser nito at hindi pa lang niya nahaharap ang reklamo kaugnay dito.

Nakahanda rin diumano si Rufa Mae na maglagak ng piyansang aabot sa P1.7 million para hindi siya makulong sa pagbabalik niya ng Pilipinas.

 Mukhang hindi nga kasing bigat ng mga kaso ni Neri ang isinampa laban kay Rufa Mae dahil siya ay endorser nga lamang ng derma clinic, samantalang si Neri ay may public statement na kumukumbinsi sa mga taong mamuhunan doon, at isa rin siyang franchise holder ng nasabing klinika. Kaya lalong lumakas ang ispekulasyon na siya ay talagang may kinalaman sa kumpanya.

Samantala ang may-ari ng kum­panya na kinilalang isang nagngangalang Chanda Atienza ay nananatiling nakalalaya pa rin pati na ang anim na iba pang members ng kanyang board of directors ng kumpanya dahil hindi pa naisisilbi sa kanila ang kanilang warrant.

Show comments