MANILA, Philippines — Umabot sa 21,441 ang mga materyal para sa telebisyon at pelikula ang narebyu at nabigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) nitong Nobyembre 2024.
Kabilang diyan ang 21,180 TV programs, plugs at trailers. Nakapagrebyu rin ang Board ng 143 publicity materials, 50 movie trailers at 68 pelikula.
Ito’y sa pagsisikap ng MTRCB na tiyaking ang mga materyal na isinabmit sa Board ay nabigyan ng angkop na klasipikasyon bago ipalabas sa sinehan.
Tiniyak ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang tumpak na rating para maproteksiyonan ang pamilyang Pilipino sa mga tiwaling content.
Sa kabuuan, aabot sa 241,144 na materyal ang narebyu ng Board Mula Enero hanggang Nobyembre 2024.
Sa bawat tagumpay ng MTRCB ay may kaakibat na dedikasyon ang Ahensya na tiyaking ang mga palabas ay dumaan sa tamang proseso para mabigyan ng angkop na klasipikasyon habang binibigyang respeto ang malayang pamamahayag at responsableng paglikha.
“Aming sinisikap sa MTRCB na masiguro na ang mga pelikula ay responsableng nabigyan ng angkop na klasipikasyon batay sa umiiral na alituntunin at batas ng MTRCB,” sabi ni Sotto-Antonio.