Minanifest pala ni Richard Gutierrez ang pakikipagtrabaho kay Daniel Padilla.
Naalala ni Richard na nagkita sila ni Daniel sa isang party at sinabi niya sa anak ni Karla Estrada na sana ay magkasama sila sa isang action series.
Hindi nagtagal dumating ang Incognito na eksakto sa kanyang mga pangarap pagkatapos ang matagumpay na Iron Heart. “It’s been a dream project of mine, actually – this kind of concept. Matagal ko nang ni-research ‘yung ganitong klaseng concept about private military contractors. I’ve been a fan of this concept. I’ve been reading books about it through the years and finally, isa ito sa maiko-consider kong dream projects ko. I’ve been wanting to do something like this for a long time,” kuwento ng actor sa ginanap na grand media launch ng Incognito last Friday.
Ang mga PMC ay kadalasang nagbibigay ng mga serbisyo upang sanayin o dagdagan ang opisyal na sandatahang lakas sa paglilingkod sa mga pamahalaan, ngunit maaari rin silang gamitin ng mga pribadong kumpanya upang magbigay ng mga bodyguard para sa mga pangunahing tauhan o proteksyon ng mga lugar ng kumpanya, lalo na sa mga teritoryong may kaaway.
At ganun ang kanilang grupo dito sa Incognito.
Tanggap na raw niya ang pressure lalo na nga ang lakas ng huling serye niya (Iron Heart).
Pero aniya, mas iba ito. Hula niya ay mas naitulak nila ito sa mas mataas na level.
“And I think we somewhat succeeded with Iron Heart. But this time around, we want to elevate even more. Kaya pa namin i-push. With the right timing, right budget, location, and creativity, kaya pa. So, nabigyan kami ng opportunity dito sa Incognito. And I think isa rin sa mga magagandang aspects itong Incognito is we will be showcasing different locations. Ang gaganda ng mga location namin dito talagang kaabang-abang.
“Both the Philippines and international, makikita n’yo ‘yun sa show. And ‘yun, it’s been a dream project of mine, actually. This kind of concept. Matagal ko nang ni-research ‘yung ganitong klaseng concept about private military contractors.
“Dahil talagang markang Pilipino ito. And talagang pinaganda pa para sa audience natin. And it’s a new flavor of action,” pangako pa ng aktor.
Pero aniya hindi lahat sa kanya ang pressure. Nasa kanilang lahat na – Ian Veneracion, Maris Racal, Anthony Jennings and Baron Geisler.
“This time around, ensemble kami, you know. Hindi lang ako ang may pressure. Medyo napapasa ko sa kanila ‘yung pressure,” natatawa niyang sabi.
Arnold, minadali ang paggaling
Aminado ang isa sa mga poste ng early morning show ng Kapuso network na Unang Hirit, si Arnold Clavio, na kahit umabot na sila g 25 years sa ere ay ‘di pa rin siya nauumay bilang anchor nito.
In fact, nagsilbi pa itong inspirasyon para agad siyang magpalakas at magpagaling matapos dumanas ng hemorrhagic stroke noong Hunyo.
Sa mediacon para sa week-long anniversary celebration ng programa na ginanap sa Gateway 2 nitong Martes, sinabi ni ‘Igan Arnold na, “Siguro audience ’yung makakapag-decide nu’n (umay) dahil hangga’t nakikita namin sa, ito reyalidad naman, ratings, commercial loads, parang ‘di ka mauumay. Kasi hinahanap din po ng katawan ko. Actually, ‘yung nangyari po sa akin, mga three months din po ako nawala sa Unang Hirit, pinilit ko po talaga makabalik. Kasi hinahanap ko… paggising ko, wala kang ginagawa, biro mo? Kailangan magpalakas ka, magpagaling ka. Pero ‘yun ‘yung naging motivation ko na makabalik agad. Kasi binigyan ho ako ng six months na maka-rehab, in three months ho, tumatawag na po sa ’kin, gusto mo nang bumalik? Iba ‘yung inspiration na nabibigay po sa akin, personally, ng Unang Hirit paggising ko sa umaga.”
Ikinuwento rin niya na walang ipinagbago sa commitment niya mula nang mabigyan siya ng tsansang mag-host ng early morning show.
“‘Yung commitment mo everyday, ganu’n na lang. Gigising ka nang iniisip mo ‘yung viewer, ‘no? Ngayon, ‘yung direksyon na tatahakin namin, siguro it would be the same na nagustuhan ng tao, eh, wala na akong nakikitang dapat baguhin. Medyo with the emergence ng social media, kung mapapansin n’yo, medyo ’yun na rin ang direksyon namin, ‘no?”
Ibinigay niyang halimbawa ang pagkakaroon ng social media platforms ng ‘UH’ sa TikTok, Facebook, atbp.
“And surprisingly, pati sa mga bus na may TV, nakikita namin nagku-comment, eh, sa amin. So naging wide na ‘yung audience namin, naging global, so mas siguro ‘yun ang direksyon namin.
Sasabay ka rin sa ano, eh, sa pagbabago sa mundo,” diin pa ni ‘Igan.
Personally, patuloy niya, wala siyang nakikitang malaking pagbabago sa mga ginagawa niya dahil kung ano ‘yung ginagawa niya sa loob ng 25 taon, ‘yun pa rin umano ang gagawin niya sa show hanggang ngayon.
Bukod kay ‘Igan, ang Unang Hirit barkada ay binubuo rin nina Ivan Mayrina, Susan Enrique, Suzi Entrata-Abrera, Lyn Ching, Atty. Gaby Concepcion at ang mga baguhang sina Shaira Diaz, Anjo Pertierra, Chef JR Royol at Kaloy Tingcungco.
Sila ay napapanood weekdays, 5:30 a.m., sa GMA 7.
‘Walang shortcut sa pagyaman’
Walang shortcut ang tagumpay.
Ganito ang sagot ng presidente ng The Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na si Dr. Cecilio Pedro ng Lamoiyan Corporation (na ang isa sa mga produkto ay Hapee toothpaste na nagpasikat sa ilang celebrity.
Bilang isang mahusay na negosyante, naitanong kay Dr. Pedro kung meron bang formula upang yumaman kaagad dahil maraming celebrity ngayon ang nadadawit sa investment scam sa pag-aakalang may paraan sa mabilis na pagyaman.
Maraming nagmamadali, hindi lang celebrity, na yumaman sa pamamagitan ng mga investment na sa bandang huli ay nabibiktima ng scam.
Nasa kulungan pa sa kasalukuyan si Neri Naig at nagtatago naman si Ken Chan sa ibang bansa. Si Ricardo Cepeda naman ay nakalabas dahil sa piyansa habang si Luis Manzano ay nalusutan ito.
Pero ‘yun nga, walang shortcut ang pag-akyat sa tagumpay pagdidiin niya, kailangan mong pagtrabahuhan.
Samantala, nagpapasalamat ang FFCCCII kay Jose Mari Chan para sa kanyang walang patid na suporta sa iba’t ibang socio-civic charitable endeavors.
Pinuri nga ni Dr. Pedro ang mga kontribusyon ng iconic singer sa isang pagtitipon, na itinampok ang malawak na network ng federation ng 170 Filipino Chinese chambers at magkakaibang organisasyon sa industriya sa buong bansa mula Aparri hanggang Tawi-Tawi.
Ang FFCCCII ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa economic advocacy, calamity relief, libreng medical mission, at suporta ng rural public schools, pati na rin ang pagbibigay ng tulong sa Filipino Chinese volunteer fire brigades na tumutulong sa mga biktima ng sunog at kalamidad sa buong bansa na hindi tinitingnan ang socio-economic background.
Inulit nina Jose Mari Chan at Dr. Cecilio Pedro ang matagal nang pangako ng Filipino Chinese business community na tulungan ang mga kapwa Pilipinong naapektuhan ng mga sakuna at iangat ang mga mahihirap na komunidad sa buong bansa.
Muli ring nakipagtulungan ang FFCCCII sa Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa pagbibigay-tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Mismong ang FFCCCII president, kasama si Wilson Lee Flores, FFCCCII Public Information Committee chairman, ang nag-abot ng donasyon kay SPEEd president Salve Asis (me ‘yun) para sa Christmas Party for a Cause ng entertainment editors’ group sa isang intimate get-together nitong Biyernes.