Seth, ayaw madaliin si Francine

Seth at Francine

Mukhang may something special na ngang nagaganap between Francine Diaz and Seth Fedelin dahil walang takot silang nagho-holding hands sa harap ng entertainment press habang nagaganap kahapon ang grand mediacon ng first movie nilang My Future You under Regal Entertainment.

 Isa sa natanong sa kanila ay kung natagpuan na ba nila ang kanyang “future” at ayon kay Seth ay malapit na raw. When asked kung si Francine ba ito, agad namang “opo” ang kanyang sagot.

Bakit niya nasabi ito? “Hindi na ako lalayo pero may isang pangako lang ako na dapat kong tuparin – ‘yung pangako ko sa magulang ni Francine,” sey ni Seth.

Paliwanag pa ng aktor, “alam naman po natin na hindi biro ang samahan namin. Hindi biro na bawiin ang tiwala ng mga magulang ni Francine. Hindi po biro ang pinagdaanan ko na makaabot ulit dito. Na nahahawakan ko ‘yung kamay ni Francine.”

Gusto rin daw niyang maramdaman ni Francine na totoo lahat ang kanyang sinasabi. “’Yun na lang ang kailangan kong gawin para masabi ko na nandito na siya. So, anong kailangan ko? Lakas ng loob, paninindigan, tapang and respeto, pagmamahal.

“At ‘yun ang mga bagay na hindi mo makukuha ng isang araw, isang buwan,” sey pa ni Seth,

Dagdag pa niya, “kasi malaking pogi points kapag kakampi mo ang magulang, eh. Malaking pogi points kapag mahal ako ng magulang.”

Nahingan naman ng reaksyon si Francine sa sinabing ito ni Seth at sey ng aktres, “totoo po, kung nasaan kami ngayon, hindi po namin ‘yun minadali talaga.”

Agree rin siya sa sinabi ni Seth sa mga mahihirap nilang pinagdaanan.

“Kung pwede lang talaga, kung kaya naming ma-explain lahat ng napagdaanan po namin para makapag-holding hands kami.

“Ako, po grateful po ako na mayroon akong Seth sa buhay ko. Hindi po kasi biro ‘yung bigyan ka ng Diyos ng someone na matatawag mong best friend,” pahayag ni Francine.

At this point ay naging emosyonal ang aktres at napatigil sa pagsasalita.

Sinalo naman siya ni Seth at sinabing “hindi talaga biro. Alam naman po natin ‘yan, lala na nun’g mga nakaraan. Hindi po biro na makuha ang tiwala ng mga magulang ni Francine at ni Francine. Sobra ko pong ginalingan. Alam ko kulang pa, alam ko, meron pa ‘kong kayang magawa, alam ko na meron pa ‘kong kayang ibigay.”

Sabi pa ng aktor, “kapag tinatanong kami, ‘kayo na?’ hindi po biro guys, hindi po biro na maging kami agad.”

Trinatrabaho pa raw niya para maging sila na ni Francine at mukhang matagal pa raw niya itong tatrabahuhin pero hindi naman daw siya nagmamadali.

Sapat na raw ngayon sa kanya ‘yung pinapayagan siya ng magulang ni Francine na ihatid-sundo sa school ang dalaga.

Pangako pa ni Seth ay hinding-hindi niya sisirain ang tiwala sa kanya ng ka-loveteam at ng magulang nito.

Samantala, masaya naman ang FranSeth na finally ay mayroon na silang first movie, ang romantic-fantasy-dramedy na My Future You na isa isa official entries to the 50th Metro Manila Film Festival at bahagi rin ng Regal Entertainment’s 60th anniversary celebration.

 Mula sa direksyon ni Crisanto B. Aquino, magbubukas ito sa mga sinehan sa Disyembre 25.

Show comments