Aminado si Regine Velasquez na tapos na ang kanyang panahon. Mahirap tanggapin iyon pero bihira ang kagaya niya na natatanggap ang pagbaba ng popularidad dahil hindi naman talaga habang buhay kang sikat.
Depende na nga lang iyon kung hanggang kailan ka nasa itaas. Pero basta narating mo na ang tuktok, wala ka nang mapupuntahang iba kundi bumaba.
Ganoon pa man, mukhang mali naman iyong ginawang art card ng ABS-CBN, na inihanay si Regine sa ibaba, at ang mga nasa itaas at malalaking picture ay BINI.
Sikat nga ngayon ang BINI, pero tatagal ba sila kagaya ni Regine? Sisikat ba ang kanilang mga kanta kagaya ng kanta ni Regine na siyang naging idolo ng masa at ginagaya ng lahat ng talents sa mga sing along at comedy bars?
Na-realize naman ng ABS-CBN Digital Team na mali sila matapos silang ma-bash ng mga tao, kaya inalis nila ang art card. Nag-apologize pa at nagpadala ng flowers kay Regine. Pero si Regine, talagang mababa ang loob at sinasabing ok lang naman sa kanya iyon at hindi na kailangang magpadala pa ng flowers pero ikinatuwa niya iyon.
Ganoon lang ang buhay, pero hanga kami kay Regine na tanggap niyang bumaba na ang kanyang popularidad, hindi siya kagaya ng iba na bagsak na nagpipilit pa rin at acting sikat pa rin.
Robbie, mas bagay na katapat ni Donny!
Wala pa mang ginagawang kahit na ano si Robbie Jaworski, itinatapat na siya kay Andres Muhlach ng TV5. Pero bago ninyo isipin n kalaban siya ni Andres, ang isipin muna ninyo ay iyong mga inabutan niya sa ABS-CBN.
Papaano kung malampasan niya si Donny Pangilinan, na posible namang mangyari? Paano na iyong mga baguhan nila kagaya ni Kyle Echarri at noong iba pang wala pang pangalan, tiyak na masasagasaan iyan ni Robbie na hindi naman maikakailang malakas ang dating.
At saka pangalan pa lang eh Jaworski, mahirap na agad tapatan.
Sanya, sa iba muna!
May script reading na sina Sanya Lopez at David Licauco. Mukhang si David ang susunod na partner ni Sanya, hindi pala si Alden Richards kagaya ng unang nabalita.
Mukha kasing kailangan na nilang ihanap ng talagang partner si David, dahil parang hindi na masyadong kinakagat ang team-up nila ni Barbie Forteza.
Kailangan na talaga ng bagong partner. Eh si Sanya sumikat na iyan simula nang makasama ni Gabby Concepcion.