Tama ang sinasabi nila, iyong pelikulang Uninvited ang siyang may pinakamalaking cast sa lahat yata ng pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival ngayong taong ito.
Sa laki pa lamang ng cast ng pelikula, hindi malayong masabing ito ang most expensive film sa festival.
Inamin ng producer na si Bryan Diamante, na kagaya ng maraming producers ambisyon din nila sa Mentorque na makagawa ng isang Vilma Santos movie.
Hindi naman sa minamaliit niya ang mga bagong kumpanya, pero talagang mapili si Ate Vi, gusto niyang matiyak na ang gagawin niyang pelikula ay nasa ayos.
Hindi iyon dahil sa kanyang career lamang kundi dahil alam niyang gumagawa siya ng pelikula para masiyahan ang mga manonood noon.
Para kasi kay Ate Vi, wala na naman siyang dapat mapatunayan, nagawa na niya ang lahat ng klaseng role. Nakagawa na siya ng maraming mga klasikong pelikula na ngayon ay paulit-ulit na binabalikan ng mga ito matapos na mai-restore.
Ano pa bang karangalan ang hahabulin ni Ate Vi, eh lahat halos ng awards nakuha na niya. Siguro nga ang isa sa malaking karangalang maipagmamalaki niya ay kung lumabas na ang isang three book series na tumatalakay sa kanyang buhay, sa kanyang pagiging aktres at public servant.
Iyan ay isang scholarly written story na ang gumawa ay mga propesor na may doctorate degree at ang publisher ay isa sa pinakamalaking unibersidad sa buong Asya.
Samantala, nakakapanibago lang ang Uninvited sa trailer pa lang, kasi sanay tayo lalo na kung panahon ng festival na ang producer ng pelikula ay isang kumpanyang Pilipino lamang, pero iyang Uninvited, nang unang lumalabas ay ang logo ng Warner Bros., isang major film company ng mga Kano.
Sa pagpasok nila sa Uninvited, malamang sa hindi ang foreign distribution ng pelikula na gusto naman nating mangyari sa lahat ng mga pelikula natin, pero maliwanag namang co-producer ang Warner Bros.