Inamin ni Arnold Clavio na naramdaman niya ang Holy Spirit noong naranasan niya ang ‘hemorrhagic stroke’ three months ago.
Nakita niya raw ang puting-puting paligid. Pero hindi niya maalala kung ilang segundo ‘yun.
Pero ramdam na ramdam niya raw ang eternity.
“At that moment, mawawala na ‘yung mga naiisip mo noon na mga property mo o mga investment mo...,” sabi niya sa amin sa isang chance interview kahapon.
Bagama’t hindi niya ‘yun tinuturing na near death.
“Hindi, hindi, hindi sya ‘yung tipong near death experience mo. Sabi ko Jesus’ experience talaga andun siya, ang Diyos ko,” dagdag niya pa sa amin.
“Thank you, Lord. I personally experienced your MIRACLE,” pag-alala niya at pasasalamat sa Diyos.
“Feeling ok does not mean your ok … Feeling good does not mean we’re good. Listen to your body.. Traydor ang hypertension ! Always check your BP,” sabi pa niya sabay paalala.
Tulad ng naikuwento niya sa social media, katatapos niyang maglaro ng golf nang maramdaman niyang namamanhid ang kanyang kanyang kanang braso at binti.
Pauwi siya noon galing sa Eastridge Golf Course.
‘Di niya naramdaman ang pag-apak sa pedal ng gas at break ng minamaneho niyang kotse hanggang huminto siya sa isang gasoline station para i-check ang sarili.
Umihi siya at umasang baka umayos ang pakiramdam ‘pag nakaihi siya.
Pagdating sa restroom kung saan nahirapan siyang makarating at aniya ay talagang kailangan niyang kumapit, tiningnan kaagad niya ang sarili sa salamin kung tumabingi ang mukha niya o namaga ang mata niya.
Kaya nagmaneho uli siya sa Sumulong Highway pero wala siya kaagad makitang hospital na may pagkakataon pa na nasa kabilang lane na siya pero ramdam pa rin naman niya na nasa maling lane siya.
Hindi naging madali ang paghahanap niya ng hospital hanggang nakita niya ang Fatima University Medical Center (medical school).
Sinabi niya agad sa nurse na namamanhid siya kaya’t nagkaroon ng mga test dahil 220 / 120 na ang blood pressure at 270 ang kanyang sugar.
Hanggang sinabi sa kanyang hemorrhagic stroke ‘yun na na-Google niya pa kung ano ‘yung hemorrhagic stroke. At nabasa niya sa 2 days ang itatagal ng mga nakakaranas ng ganung atake.
Kaya nagbilin na siya sa kanyang misis na dalawang araw na lang talaga ang kanyang itatagal.
Pero conscious siya the whole time hanggang inilipat siya sa St. Luke’s Hospital at inobserbahan.
Malaking bagay para sa kanya na matagal siyang nag-host ng programang Emergency upang maging alerto sa nangyayari sa kanyang katawan.
Agad din ay inasikaso siya sa ER ng St. Luke’s – brain attack team ng nasabing hospital at dinala sa Acute Stroke Unit.
Sa kasalukuyan ay maayos na ang pakiramdam niya, 9 out of 10 at ramdam niya na may misyon pa siyang kailangang gawin kaya binuhay siya ng Panginoon.
“Tuloy ko lang ‘yung pagiging journalist na walang fear and favor,” sabi niya sa kanyang misyon.
“Sabi mo nga ‘yung life expectancy ng Pinoy seventy years old eh sixty na ako next year so sabi ko ‘yung ten years talaga devote ko sa Kanya.”