Namatay na pala si Bobbi Mercado sa edad na 54 lang. Papasikat na rin sana siya noong araw. Anak siya ng television host at singer na si Eddie Mercado na kapatid naman ni Mila Ocampo.
Pinsang buo iyan ni Snooky pero noong namatay ang tatay niya, parang pinanghinaan din ng loob, nag-asawa at nagkaroon ng dalawang anak at doon natigil ang kanyang career. Hindi rin naman sila nagtagal ng naging asawang si Lito Pimentel.
Pagkatapos noon ay wala nang narinig tungkol sa kanya. Iyon pala nasira ang buhay. At inamin niyang minsan daw ay wala na silang napuntahan kaya kasama ang dalawang anak na lalaki ay nakakatulog sila minsan sa bangketa.
Pero nakabangon, medyo umayos na ang buhay nilang mag-iina, kaya lang ngayong nawala na siya, papaano na naman ang kanyang mga anak.
Kung sabagay nasa edad na rin naman ang mga iyon at kaya na nilang buhayin ang kanilang sarili.
Nakaburol ngayon ang mga labi ni Bobbi sa Parañaque.
Sayang siya, nakakakanta naman iyan noong araw, at mahusay din sa hosting pero hindi nabigyan ng tamang break sa showbiz.
Napanalunan ni Chelsea, pahabol lang!
May maiuuwi rin naman palang title ang natalong Miss Universe Philippines na si Chelsea Manalo. Nang matapos ang coronation night sa TV, binigyan siya ng award bilang Miss Universe Asia.
Kagaya rin iyon ng iba pang binigyan ng title base sa pinagmulan nilang continent.
First time raw na nagkaroon ng mga ganyang title, at ibinibigay sa kanila in private na lang ha. Kung kailan tapos na ang telecast.
Pampalubag-loob kung baga. Iyong mga mahihilig sa beauty pageant, sinasabing simula nang mabili ni Anne Jakrajutatip ‘yung Miss Univese, hindi nawawala sa top 5 ang Thailand. Thai kasi siya eh.
Napanood namin sandali ang coronation at mukhang dry talaga ang pageant samantalang may ka-collab pa sila ngayon sa Telemundo channel. Kasi ang talaga namang nagpapabongga lang sa Miss Universe ay hindi naman iyong samahan nila kundi iyong host country. Natandaan ninyo noong ilang beses nang ginawa iyan sa Pilipinas, hindi ba ang local organizers natin ang talagang busy at ang mga taga-Miss Universe darating na lang kung kailan halos coronation na lang. Kasi ang nakikinabang daw naman sa turismo ay iyong host country.
Pero ang lahat ng kita sa mga sponsors at sa telecast sa buong mundo ay sa kanila.
Network war, buhay pa ba?
Natatawa kami sa sinasbi ng iba na wala na raw network wars kasi nagkakahiraman na ng artista ang ABS-CBN at ang GMA.
True naman. Pero sa ibang anggulo ay meron pa rin naman.
Pero walang duda na number one ang Showitme hindi dahil sa magaling sila kung ‘di dahil nasa malakas lang silang istasyon.
Ang walang duda sa paggawa ng Star Cinema, lahat ng pelikula nila box office hit na ang latest nga ay itong Hello, Love, Again.