Ms. South Africa umayaw sa Miss U, Chelsea nabawasan ng tatlong kalaban

Mia

MANILA, Philippines — Super typhoon na ang bagyong Pepito (international name: Man-yi) ayon sa PAGASA kung saan Signal number 5 sa Catanduanes at Camarines Sur kahapon habang sinusulat namin ito.

Iniulat ng PAGASA na ang sentro ng mata ng Super Typhoon Pepito ay huling namataan 120 kms silangan ng Virac,Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na 195 kph at pagbugsong umaabot sa 240 kph. 

Kumikilos daw ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Gayundin, ang malakas na hangin hanggang sa bagyo ay inaasahang aabot palabas hanggang 440 kms mula sa gitna.

At sinasabing tatama ito sa Metro Manila na magla-landfall sa pagitan ng umaga at tanghali ngayong Linggo – ca­tegory 5.

Kaya maghanda ng pagkain, mga flashlight, kandila at i-charge ang inyong mga device dahil baka mag-brownout. 

Anyway, mabilis na naglabas ng advisory ang ABS-CBN na ang Grand BINIverse concert na nakatakda ngayong araw ay gaganapin na lamang sa Martes (Nob. 19) para masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Sinabi nilang magagamit ang lahat ng Day 2 tickets sa Nob. 19 sa Araneta Coliseum at sa mga hindi makakapunta sa Nob. 19, pwedeng makipag-ugnayan sa Ticketnet para sa refund.

Habang ang mga bumili ng iWantTFC passes para mapanood ang concert sa livestream, magagamit pa rin ang passes sa Martes (Nob. 19).

Natuloy naman kagabi ang Grand BINIverse concert at Lunes (Nob. 18).

Sinabi nilang bahagi ng kikitain mula sa Grand BINIverse concert ay ido-donate sa ABS-CBN Foundation para makatulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Samantala, in all fairness, tuluy-tuloy ang tagumpay sa takilya ng Hello, Love, Again na umani na ng makasaysayang P245 million sa ticket sales sa loob ng tatlong araw. Ito ay kahit may mga unfavorable review na kesyo mas bongga ang kuwento ng naunang Hello, Love, Goodbye.

Kumita ang pelikulang pinagbibidahan nina Kapamilya actress Kathryn Bernardo at Kapuso actor Alden Richards ng P90 million sa ikatlong araw (Nob. 15) nito, ang pinakamalaking single-day box office gross para sa isang local film.

Nawa’y hindi maaapektuhan ng bagyong Pepito ang kita nito sa mga susunod na araw.

Ngayong gabi sa Mexico naman gaganapin ang coronation ng 73rd Miss Universe na nakatakdang ipalabas ng ABS-CBN sa A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Metro Channel, at iWantTFC  simula 9 a.m. (oras sa ating bansa).

Malakas ang pambato ng Pilipinas na si Miss Universe Philippines 2024 Chelsea Manalo, ang kauna-unahangng Pinay representative na may Afro-American descent. 

Masungkit kaya niya ang korona bilang Miss Universe? 

Nabawasan ng kalaban si Chelsea, umatras ang pambato ng South Africa na si Mia Le Roux.

Ang isa pang kandidata na boluntaryong umatras ay ang kinatawan ng Kosovo na si Edona Bajrami. Na-injure raw ito sa kaliwang paa sa isang preliminary competition.

Napabalita namang pinatalsik ang Miss Universe Panama na si Italy Mora matapos umano itong gumawa ng hindi aprubadong pagbisita sa hotel room ng kanyang boyfriend.

Sana ay may signal sa cable channel at hindi mawalan ng internet dahil sa bagyong Pepito para mapanood ang laban ng ating pambato sa Mexico.

MTRCB, no sweat ang approval ng budget sa Senado

Bongga ang Movie and Tele­vision Review and Classification Board (MTRCB), na pinamumunuan ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio sa Senado sa ilalim ng liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, matapos pumasa sa plenaryo ang P164-milyong budget ng ahensya para sa 2025.

Pinasalamatan din ng Board si Jinggoy Estrada, ang Senate Pro Tempore, bilang sponsor ng budget.

Wala pa umanong dalawang minuto ang itinagal ng deliberasyon nang aprubahan noong Nobyembre 14 sa plenaryo ang kanilang budget dahil wala ni isang senador ang tumutol. “Malaking tulong ang pondong ito sa mga plano namin na maisulong ang isang ‘Responsableng Panonood tungo sa Bagong Pilipinas’ ayon sa lakbay-tanaw ni Pangulong Marcos,” sabi pa ni Chair Sotto-Antonio

“Dahil din sa suporta ng ating kongreso, patuloy kaming magsisikap na mapataas ang kamalayan ng publiko sa tamang paggamit ng media.”

Idiniin din ni Sotto-Antonio ang tatlong haligi ng Responsableng Panonood (RP).

1. Responsableng Panonood; 2. Responsableng Paggabay; at 3. Responsableng Paglikha.

Inilunsad ng administrasyong Marcos ang Tara, Nood Tayo! noong Nob. 12, isang informercial na layong itaas ang kamalayan sa industriya ng paglikha at ng pamilyang Pilipino sa tamang pagpili ng mga palabas na panonoorin.

Mula sa bagong budget ay ilalaan din umano ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at pagpondo sa mga proyektong pagsasanay para sa mga empleyado ng Ahensiya.

Vhong, ‘di pa makapaniwala na nakaraos sila sa SB90S

Parang surreal pa rin kay Vhong Navarro na nairaos nila last week ang reunion concert ng Streetboys - SB90s - sa New Frontier Theater.

Aniya sa isang post : “Thank you, Lord! Hanggang ngayon ang hirap pa rin paniwalaan na natuloy at naging successful ang concert ng Streetboys. Sa mga nanuod at nagbigay ng oras, 31 years na kami pero patuloy niyo pa rin kaming sinusuportahan at minamahal. Maraming salamat sa inyong lahat at sana nag-enjoy kayo.?

“Nagpapasalamat din kami sa lahat ng nakasama at bumuo ng concert namin. Saludo kami sa effort ninyo. Mabuhay kayong lahat!

“…sa Ateam and Kuya Ogie, ikaw lang ang nagtiwala at nagpalakas ng loob namin na ituloy ang concert.

“…Direk Paolo V. at sa lahat ng amazing team at crew mo, binigyan mo ng buhay at higit pa ang vision ng grupo.

“…Showtime Team - Alex, Karla, Christian, Trina, Aica and Vin, we feel the LOVE. Umaapaw pa.”

Nauna nang inamin ni Vhong na natakot sila sa nasabing reu­nion concert na bukod sa baka walang manood ay kung kakayanin pa nilang sumayaw.

Na in all fairness ay natapos nilang walang napilayan.

Hahaha.  

Show comments