Pulang..., pinanghihinayangan

Matatapos na pala ang Pulang Araw, iyong historical fiction tungkol sa World War II na serye sa GMA na pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Dennis Trillo, Sanya Lopez at David Licauco.

Minsan ay napanood namin ang Pulang Araw at natuwa kami sa opticals nila halata mong pinagkagastahan ang produksiyon. Pero ang ganyang klase ng serye, dapat inihanap nila ng magandang oras, kasi ang manonood ay marami ring mapupulot na kaalaman sa serye.

Iba ang market ng ganyang kuwento. Hindi nila dapat na isinagupa sa FPJ’s Batang Quiapo.

Pero nakakahinayang dahil isang malaking attempt para makagawa ng isang makabuluhang seryeng local, pero tinalo lang ng mas komersiyal na Batang Quiapo. Kaya ngayon ang itatapat nila ay ang Mga Batang Riles.

Pero sigurado iyan, unang matatapos ang Batang Riles kaysa sa Batang Quiapo na mukhang tatagal pa ng ilang taon.

Andres, mas bagay sa mainstream

Tingnan nga naman ninyo si Andres Muhlach may isang serye nang siya mismo ang bida. Iyon nga lang lalabas daw iyon sa Viva One, isang internet streaming channel. Malakas talaga ang dating ni Andres, kasi nga guwapo rin gaya ng tatay niya. Kaso parang naiilang pa, dahil siguro sa hindi siya magaling talagang mag-Tagalog, at saka dehado siya sa labanan, dahil maraming mga baguhang male star na pinasisikat sa free TV, samantalang siya ay nasa internet streaming, kaya dehado siya sa laban pero hindi mo masabi, baka naman ang fans niya ay nasa internet streaming na rin.

Pero sana magawan nila ng paraan na mailabas iyan sa free TV at hindi sa internet streaming lang. Sayang naman si Andres ‘pag nagkataon.

VM Yul Servo, nagluluksa sa namatay na nanay

Nais nga pala naming ipaabot ang aming pakikiramay sa pagpanaw ng mahal na ina ng aktor at vice mayor ng Maynila na si Yul Servo.

Atake raw sa puso ang ikinamatay ng kanyang ina ayon sa mga naunang balita.

Ang mga labi ni Zenaida Nie­to, ang nanay ni Yul, ay nakahimlay ngayon sa Arlington Funeral Homes sa Araneta Avenue.

Show comments