Kasong estafa ni Ken, walang piyansa!

Ken Chan
STAR/File

Sa ikalawang pagkakataon ay nabigo ang mga awtoridad na i-serve ang warrant of arrest kay Ken Chan kahapon (Nov. 8).

Bandang alas-9 ng umaga kahapon nang puntahan ng law enforcement team ang umano’y bahay ni Ken sa Quezon City subalit wala sa nasabing tahanan ang aktor.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, abogado ng nagdemanda kay Ken, nahaharap ang aktor sa kasong syndicated estafa.

“Nag-serve lang ho tayo ng warrant of arrest against Ken Chan para po doon sa kanyang kinakaharap na kaso. Mayroon pong pending warrant of arrest na i-issue po ang korte sa kanya kasama ‘yung kanyang mga co-accused,” pahayag ni Atty. Estrada sa press.

“So, hindi nai-serve ‘yung warrant ngayon at patuloy na hahanapin siya,” he added.

Bukod kay Ken ay may pito pa raw silang kinasuhan na diumano ay mga kasamahan or kasosyo ng aktor.

“Kasama ‘yung iba pang I think, mga 7 more co-accused, sila po ay nakakasuhan ng syndicated estafa under Article 315 of the Revised Penal Code. So, meron po silang pending na kaso, ito po ay nasa husgado na,” pahayag ng abogado.

Ayon umano sa reklamo ng kanyang kliyente (complainant) ay hiningan daw ito ni Ken ng investment na umabot sa P14 million.

“According to the complaint ay hiningan ng investment ni Ken Chan. Hindi naman sila authorized to solicit investment from the public and using misrepresentation and fraudulent schemes ay nakakuha sila ng pera against dito sa complainant,” saad ni Atty. Estrada.

“Dito po sa kaso na ating hinahawakan ay isa lang po ang complainant. Hindi ko lang po alam kung may iba pang complainants against them. Pero ito po sa kaso na ito ay isa ang nire-represent namin na complainant and more or less, ang involved na pera ay nasa P14 million.

“I think, base doon sa complaint, mga dalawang bigayan lang ‘yun (ang P14M) in less than a year,” he said.

Ayon pa sa lawyer, non-bailable ang kaso ni Ken.

Noong nakaraang Setyembre ay naghain na rin daw sila ng warrant of arrest kay Ken pero hindi rin nila natagpuan ang aktor.

“We’re doing everything to serve the warrant,” wika pa ni Atty. Estrada.

Kinumpirma rin ng abogado na restaurant investment ang involved sa kasong ito.

Hindi pa masabi ni Atty. Estrada kung willing ba ang complainant na magkaroon ng amicable settlement dahil sa ngayon daw ay gusto lang muna nilang mai-serve ang warrant of arrest at harapin ni Ken ang kaso.

Matatandaang ilang buwan na ring missing in action si Ken sa showbiz. Huli siyang nakita sa GMA Gala 2024 last July. Tinanggal na rin ang karakter niya sa seryeng Abot-Kamay na Pangarap. Ang ispekulasyon ay nasa ibang bansa siya pero wala pang kumpirmasyon mula sa kanyang panig at hindi pa rin siya nagbibigay ng anumang pahayag tungkol sa isyung kinasasangkutan.

MIA man sa showbiz ay active naman si Ken sa kanyang social media accounts.

His last post sa Instgram Story niya ay nitong last Thursday na larawan nila ng co-star sa Abot-Kamay na Pangarap na si Jillian Ward. Nagbahagi rin siya ng larawan niya na hindi namin alam kung latest or matagal na.

May post din si Ken na larawan ng Liberty Statue sa New York at plate of fruits with a caption, “Good morning.”

Bukas ang aming pahayagan para sa anumang pahayag ni Ken tungkol sa isyung kinakaharap.

Jak at Sanya, namatayan!

Nagluluksa ang magkapatid na Jak Roberto and Sanya Lopez dahil sa pagpanaw ng kanilang fur baby na si Dani.

Sa kanyang Instagram account ay nag-post si Sanya ng ilang throwback pictures at videos kasama ang minamahal na alagang aso, gayundin ang burol nito.

Tulad ni Sanya ay nag-post din si Jak ng mga larawan ng bonding moments nila ng alagang fur baby at inihayag din kung gaano kasakit sa kanya ang pagkawala nito.

Show comments