JC, Susubukin ang galing sa Nobody
MANILA, Philippines — Pagkatapos ng kanyang Forever Kapamilya contract signing sa ABS-CBN, ibinalita ni JC De Vera na mapapanood muli siya sa telebisyon sa pamamagitan ng seryeng Nobody.
Makakasama niya si Gerald Anderson sa action-drama series na nakatakdang ipalabas sa susunod na taon.
“Dito medyo challenging, medyo mate-test ulit ‘yung pagiging aktor ko. Something na hindi pa nila nakikita at hindi pa nila na-eexperience sa akin,” patikim ni JC sa kanyang bagong role.
Bago ito, napanood si JC bilang doktor sa ABS-CBN at TV5 drama series na Nag-aapoy Na Damdamin at kabilang rin siya sa Philippine adaptation ng Flower of Evil sa papel naman ng isang police detective.
Ilan pa sa mga tumatak na palabas ng versatile actor ang The Legal Life, Moon of Desire, You’re My Home, The Better Half, Since I Found You, La Vida Lena, at The General’s Daughter.
Pinangungunahan ng JRB Creative Production ng ABS-CBN ang Nobody sa direksyon nina Benedict Mique at Rae Red.
- Latest