Jasmine Mojdeh lalangoy sa World Cup Finals
MANILA, Philippines — Muling magtatangka si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh sa isa na namang finals sa 2024 World Aquatics Swimming World Cup third leg na ginaganap sa Singapore.
Sa pagkakataong ito, hahataw ang 18-anyos Filipino-Iranian tanker sa women’s 400m Individual Medley kung saan makikipagsabayan ito sa mahuhusay na tankers sa mundo.
Kabilang sa mga makakasabay ni Mojdeh sa finals si Katie Grimes ng Amerika na silver medalist sa 2024 Paris Olympics gayundin sina Mary Sophie Harvey ng Canada at Tara Kinder ng Australia.
Pasok din sa finals sina WakaKobori ng Japan, Yiyan Victoria Lim ng Singapore, Nikolera Trnikova ng Slovakia at Apple Jean Gwinn ng Chinese-Taipei.
Nagpasya si Mojdeh na hindi na sumalang sa 50m butterfly at 100m breaststroke events upang maisentro ang kanyang atensiyon sa 400m IM finals.
“Unfortunately, I had to scratch the 50 fly and 100 breaststroke heats to focus on the IM,” ani Mojdeh na incoming freshman sa University of Southern California sa Los Angeles.
Aminado si Mojdeh na matinding laban ang haharapin nito ngunit handa itong makipagsabayan sa mahuhusay na tankers sa kanyang event.
“While I’m not expecting a stellar time due to fatigue and a lingering injury, I’m grateful for the experience of competing against the world’s best. I’m also enjoying Singapore’s delicious food and relaxed atmosphere,” dagdag ni Mojdeh.
Nauna nang nakapasok sa finals ng 200m butterfly si Mojdeh kung saan nagtapos ito sa 8th place tangan ang bilis na dalawang minuto at 16.58 segundo.
- Latest