Boy, ni-negotiate na ang programa ni Kris sa ABS-CBN

Kris

MANILA, Philippines — Hindi pa pala nagkita sina Kuya Boy Abunda at Kris Aquino, magmula nang bumalik ng bansa ang Queen of All Media.

“Hindi talaga nagtutugma. Minsan, hindi siya puwede. Mahina siya. Minsan naman, inuubo naman ako. Hindi puwede,” pakli ni Kuya Boy.    

Pero araw-araw daw silang nag-uusap, at inamin naman ni Kuya Boy na siya ang nakikipag-negotiate sa ABS-CBN ng show na ibinibigay nila kay Kris.

Pero hindi pa raw niya alam kung anong show ito.

“Hindi ko pa talaga alam e. Wala akong idea kung ano ‘yung show e,” sabi pa ni Kuya Boy.

Hindi rin masagot ng King of Talk kung kakayanin ito ni Kris sa kalagayan niya ngayon. Kung okay na okay na ba talaga siya at puwede nang bumalik sa trabaho.

Bagama’t maganda na rin sanang makabalik sa trabaho si Kris at baka ito pa ang magpapalakas sa kanya.

Sylvia, handang makipag-bargain sa MTRCB

Nang napili ang pelikulang Topakk ng Nathan Studios sa 50th Metro Manila Film Festival, may mga nagsasabing baka mahirapan sila sa MTRCB dahil sa masyadong bayolente raw ng pelikula.

Aminado naman si Sylvia Sanchez, ang producer ng pelikula na matindi talaga ang mga action scenes nila rito. Nasa titulo nga nito na talagang nag-iiba ang karakter na ginagampanan ni Cong. Arjo Atayde kapag tinotopak na ito.

Umikot na ito sa mga international film festivals, sa Cannes International Film Festival, sa Locarno, sa Austin, Texas at sa Spain, at pinuri ang naturang pelikula.

Ang pinapangambahan ng ilan ay baka bigyan ito ng R18, at hindi ito mapapanood sa SM ­cinemas.

“Nakahanda kami. Alam namin kung ano ang gagawin namin.

“Kung R18, ilalaban ko. Kung R16, mabuti,” kaagad na sagot ni Sylvia nang nakapanayam namin sa MMFF announcement na ginanap sa The Podium noong Martes.

Sabi ni Direk Richard Somes, willing naman daw silang mag-adjust. Baka magbawas ng matitinding eksena, basta hindi lang makaapekto sa kabuuang kuwento.

Show comments