Kiko, tinutulak ang batas para sa scalpers!

Dapat naka-break na ang kongreso sa ngayon. Kung normal lang ang panahon hindi mo na mahahagilap ang mga kongresista, nakauwi na sila sa kani-kanilang bayan para magkampanya.

Bagama’t may itinakda namang panahon lamang sa kampanya, nag-iikot na ang iba by now kung wala nga lang usapan, pero dahil sa ginagawang pagdinig ng Quadcom, sa mga pangyayari sa war on drugs, EJK at kung anu-ano pang related subjects pati na ang POGO, tuloy ang kanilang trabaho.

Pero sa kabila ng mainit na usapan., uamarangkada na naman si dating Senador Kiko Pangilinan na gumawa rin ng batas na hindi puwedeng kasuhan ang mga menor de edad kahit na rape o murder pa ang ginawa dahil ngayon ang sinasabi naman niya dapat daw na gumawa ng batas laban sa mga scalper, iyon bang nagbebenta ng mga ticket kung may concert nang mas mahal, kung ayaw mong pumila nang mahaba. Sabi kasi niya, iyon daw ay maliwanag na panloloko, kasi nga ang mga scalper ay bumibili ng tickets nang maramihan, kaya iyong pumila nang mahaba, wala nang mabili, mapipilitan silang bumili nang mataas na presyo sa scalpers.

Pero ang mga scalper, kumbaga ay bahagi na ng industriya. Sa basketball nga lang noon basta may laban ang Crispa at Toyota, asahan mo nariyan lahat ng scalpers.

Ganundin sa sinehan lalo na at first day ng pelikula ni Vilma Santos at Nora Aunor noon, nakapila ka aalukin ka ng tickets.          

Ngayon nga bihira na ang mga scalpers, muk­hang nabubuhay na lang sila kung may mga foreign artist na dumarayo sa ating bansa. Ang huling local concert na nabalitang maraming scalpers, ang Dear Heart concert ng asawa niyang si Sharon Cuneta.

Ang mga scalper, ano man ang gawin mo mahirap mo nang mapaalis iyan. Isa pa diskarete nila iyan para kumita naman kahit na kaunti. Mas mabuti  na iyan kaysa sa maging mandurukot sila o snatcher sa mga pilahan kung may concert. Isa pa, ang daming problema ng bansa sa ngayon, uunahin pa ba natin ang batas laban sa scalpers?

Magpasikat, parang That’s ang ngaragan

Sunud-sunod ang balita, marami raw ang hosts ng Showtime na nadidisgraysa sa reharsal pa lang ng mga production number na kanilang ginagawa para sa anniversary nila.

Natural iyon dahil hindi nila karaniwang ginagawa ang ganun. Ang kailangan ay mag-ingat talaga sila. Noong araw ganyan din naman sa That’s Entrtainment. Hindi pa anniversary iyon ha, weekly competition lang, minsan may nadidisgrasya pa. Natatandaan namin noon may isang grupo na sumayaw noong Sayaw sa Bangko, isang folk dance na pataas nang pataas ang magkakapatong na bangko habang sila ay sumasayaw.  May nahulog una pa ang ulo eh, mabuti na lang walang malubhang nangyari. OK naman ang CT Scan pagkatapos.

Hindi mo maiiwasan ang aksidente, Dahil ang ginagawa nila ay hindi karaniwan. Si Kim Chiu nga raw isinugod pa sa ospital eh. Kailangan ang ibayong ingat talaga, at dapat sundin ang Eddie Garcia law.

Darren, dedma sa mga sinabi ni JK                                 

Nagkaroon na naman ng intriga nang sabihin ni JK Labajo na ok lang sa kanya na makipag-collab sa ibang artist, kahit pa kay Darren Espanto. Noong araw kasi ay nagkaroon na sila ng controvesy nang sabihin ni JK na may suspetsa siyang bading si Darren. Eh ano ba naman ang masama sa bading? Ang pinag-uusapan ay ang husay kumanta, hindi naman kung bading siya o hindi, kung iisipin mo si Rustom Padilla nga action star pa eh, ngayon BB Gandanghari na.

Kinasuhan ni Darren si JK at natalo diumano ang huli.

Ang tanong, papayag ba naman si Darren na makipag-collab kay JK Labajo?

Kris, mali ang desisyon?!

Si Kris Aquino na pa nga raw na halos hindi makatayo sa ospital, pero ang iniisip ay isang show na naman sa ABS-CBN daw bago matapos ang taon. Pero sana bago siya mag-isip ng show, isipin muna niyang maayos ang kanyang katawan.

Baka mas lumala pa ang sitwasyon niya, o makagawa lang siya ng isang hindi magandang show dahil hindi naman niya kaya iyong gaya nang dati. Pabayaan na niya iyong title niyang Queen of All Media.

Isipin muna niya ang kinabukasan ng mga anak niya, lalo na nga si Josh na alam naman natin kung ano ang sitwasyon, at hindi puwedeng basta maiwan.

Show comments