James, ni-relaunch ang career!

James

Parang ini-relaunch ang singing career ni James Reid noong ma­ging guest siya sa ASAP. Kailangan talaga ganun dahil matagal ding nawala ang kanyang career.

Sinasabing may gagawin siyang serye sa ABS-CBN, pero sa pelikula ay walang balita kung may kumukuha nga ba sa kanya.

Click siya noong katambal niya si Nadine Lustre, pero kikita kaya kung ang ka-love team niya ay si Issa Pressman?

Malalaman lang natin iyan kung may susubok. Pero mahirap basta mamuhunan ngayon sa pelikula. Kaya siguro nga sa TV na lang muna siya. Natangay si James ng pangarap na international career.

Parang balik na naman sa square one si James. Pero ganun talaga eh dahil nagkamali siya ng diskarte. Kaya sa susunod kailangan talaga dobleng ingat.

Heart, dedma na sa nakikipagkumpetensiya!

Hindi na sila matapus-tapos sa kung anu-anong issue na ibinabato nila laban kay Heart Evangelista.

Eh si Heart naman hindi nakikipag-contest kanino man. Hindi naman dapat kung tutuusin. May mga tao lang na hindi matanggap ang katotohanan na nabuksan ang pinto ng international fashion sa mga modelong Pinoy dahil kay Heart , bago naman siya eh sino nga ba ang Pinoy na nakarampa diyan sa Paris?   

At nagawa niya iyon sa sarili niyang pagsisikap. Wala naman tayong kaalam-alam eh, tapos nalaman na lang natin na kasama na siya sa international fa­shion shows sa fashion capital ng mundo.

Nitong huli, sinasabi ngang siya ang pinakamataas ang EMV o earned media value sa mga modelong rumarampa. Ano pa ang masasabi ninyo roon?

Pasalamat na lang kayo at dahil kay Heart, marami nang Pinoy ang nakakapasok sa international fashion, samantalang noon ay naiitsa-puwera pa ang mga modelong Pinoy kahit na andun na sila.

Andrea, pinagbintangang nanulot ng jowa ng bading?!

Gaano katotoo ang tsismis, may isang bading daw na nagagalit kay Andrea Brilllantes dahil inaagaw diumano noon ang boyfriend niya?

Bagong issue ha, ang dating kalaban ni Andrea sa love life niya ay mga babae rin.

Eh ngayon sino itong badidang na nagbibintang na inaahas daw ni Andrea ang boylet niya?

Kabaliw.

Ate Vi, umaasa na naman sa himala

Akala mo raw pista sa rami ng tao dahil lahat ay nagkakagulo, kasi naman first time na nangyari na may nagbigay ng ayuda sa mga mangagawa sa film industry.

Hindi pinag-uusapan kung ano ang trabaho mo, basta bahagi ka ng industriya, welcome ka. Aywan kung anu-ano pang ayuda ang ibinigay pero ang lahat daw ng nagtungo roon at nagparehistro ay tumanggap ng limang libong piso. Malaking halaga na iyon para sa mga manggagawa ng naghihingalong industriya.

Pero kagaya rin noong panahon pa ng sunud-sunod na lockdown, na nag-alok ng ayuda ang Film Deve­lopment Council of the Philippines (FDCP).

Sa ganyan humanga kami kay Vilma Santos, simula nang unang kumandidato siya bilang mayor ng Lipa, wala kaming narinig na nagbigay iyan ng ayuda kapalit ng boto.

Pinaghahandaan na raw niya kung sakaling pumutok na naman ang Bulkang Taal.

“Ngayon nagpapahanda ako ng mga ayudang pagkain, pero hindi para sa eleksiyon iyon. Para iyon sa mga magiging biktima ng pagputok ng Taal kung matuloy ngang pumutok na naman iyon,” sey ni Ate Vi.

Ano ba palagay niya sa Taal?

“Tulad nang lagi kong sinasabi, Diyos lang naman talaga ang makakapigil diyan, at sa Batangas maraming mga kuwento ng mahimalang pagtigil ng pagsabog ng bulkan dahil sa panalangin. At naniniwala ako roon. Hindi naman kami pinababayaan ng Diyos, ang mga kababayan ay kilalang relihiyoso at malapit sa Diyos lalo na sa Mahal na Birheng Maria, at ngayon si Padre Pio pa. Marami kaming katulong sa pagdarasal,” sabi ni Ate Vi.

Show comments