Ngayong buwan na diumano manganganak si Ellen Adarna.
Pero wala raw pa-gender reveal ang mag-asawang Derek Ramsay at Ellen.
Pero ang ganda raw magbuntis ni Ellen at ang payat, parang hindi namanas, ayon sa isang nakakita sa former sexy star.
Wala itong pino-post na kita ang tiyan, kahit ang mister nitong aktor / negosyante, lagi lang mukha ni Ellen ang ipinapakita sa kanyang social media platforms.
Nauna nang sinabi ng semi-retired actor na hindi totoong buntis ang kanyang misis. “Wala pa, wala pa,” sey ni Derek sa panayam sa katotong Morly Alinio.
Sabi pa niya, ito na nga lang daw ang kulang sa buhay nila ngayon. “Basta ‘pag bliness na kami ng baby girl or baby boy, ready na ‘ko. ‘Yun lang ang kulang sa buhay ko. But with that said, kahit wala, masaya ako kasi may baby Elias na ako and I have a perfect wife,” saad pa ng aktor sa interview na hindi pa masyadong matagal.
Pero sinabi rin naman ni Derek sa naunang interview niya months ago na trinatrabaho talaga nilang magka-baby ngayong Year of the Dragon. “We’re really have three dragons in my house. My nephew, my son is also a dragon. So, the house is very very lucky house of dragons,” sabi niya.
Maalalang nagkaroon ng miscarriage si Ellen noong isang taon.
Rey Valera, hindi nagbabago ng ugali
May sekreto ang OPM icon na si Rey Valera kung bakit pakiramdam niya ay hindi siya nawawala sa showbiz.
Humility at pagiging grounded.
Dalawa lang nga ‘yan sa mga sekreto ng OPM icon.
Actually ganundin si Marco Sison.
Sa ginanap na mediacon para sa concert ng dalawa, ang Ang Guwapo at Ang Masuwerte, na nakatakda sa November 22 sa Music Museum, ibinahagi ni Rey ang ginagawa niya para hindi umakyat sa ulo ang kasikatan at tagumpay.
Anang dating judge ngTawag ng Tanghalan: “Aaminin ko na sa inyo na kahit ano ‘yung success na natanggap ko, hindi ko hinahayaan na umikot sa ulo ko ‘yung… nakabili ako ng sasakyan, takbo agad ako sa tindahan, dala-dala ko ‘yung bagong sasakyan. Bibili ako ng Sky Flakes para lang ipaalala ko sa sarili ko na, ‘huy, tapak ka sa lupa.’
“Totoo ito. Kahit na galing ako sa show na napaka-successful at feeling ko sikat na sikat ako, feeling ko guwapung-guwapo ako, takbo agad ako du’n sa tindahan.
“For a while, magyoyosi lang ako, kakain ako ng Sky Flakes para ma-tone down at ibaba ka ulit sa, you know, sa reality. Ganu’n. Siyempre nu’ng wala, mahirap ka, ‘yun ang kinakain mo, eh. It reminds you of where you came from. And kahit paano, naaano ka, eh, nare-remind ka, na lahat ng ‘yan, and’yan, pero ‘wag mong (iaakyat sa ulo mo),” mahabang kuwento ng isa sa mga haligi ng Original Pilipino Music (OPM)
“Kumbaga, grounded ka pa rin,” hirit naman ni Marco.
Importante rin daw na marunong kang tumanaw ng utang na loob sa fans at sa mga taong nakatulong sa ’yo. “Malaking porsiyento ng swerte ang ugali,” diin ni Marco.
Bilang mga beterano na sa industriya, bukas sila sa pakikipagtulungan sa mga bagong talento na nangangarap ding sumabak sa pagkanta.
Katunayan, dalawang bagong singers, sina Andrea Gutierrez at Elisha, ang guests nila sa Ang Guwapo at Ang Masuwerte.
Sina Andrea at Elisha ay talents ng concert producer nina Rey at Marco na Echo Jham Entertainment. At nakipag-partner si Rey sa Echo Jham sa paggu-groom kina Andrea at Elisha.
“‘Yung dalawang batang ‘to, ginagawan ko ng kanta,” kuwento pa ni Rey.
Handa umano siyang gumastos ng sariling pera para ma-promote ang dalawa, ganundin ang dating Sing Galing winner na si Mari Mar Tua, na talent din ng Echo Jham.
“Kapag tuluy-tuloy na siya, ‘di malayo kukuha (kami) ng bagong artists na ganyan,” patuloy ng OPM hitmaker.
Samantala, ang tickets para sa Ang Guwapo at Ang Masuwerte ay available na sa Ticket World at Music Museum. Ito ay nasa ilalim ng direksyon ni Calvin Neria.
Sunshine, ipinagmalaki ang unang rampa ng anak
Ipinagmalaki ni Sunshine Cruz ang anak na si Chesca na rumampa sa isang fashion show.
Aniya sa kanyang post: “Chesca’s first ever walk. So proud of you my bunso! You are a natural. ” caption ni actress sa photos ng anak habang nasa stage ng isang brand ng damit.
Sa nasabing fashion show din spotted sina James Reid and Enrique Gil.
Hmmm... Possible ba na magsasanib puwersa sila sa isang proyekto?
Why not.
Pareho silang matagal-tagal nang inactive kumbaga ang career.
Sylvia, namakyaw para sa apo
Aliw ang mga netizens sa pagiging lola ni Sylvia Sanchez.
Ipinakita nga nito ang mga pinamili niya sa sa kanyang unang apo kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo!
Makikita sa photo and video niya ang pila-pilang paper bag na pinamili niya sa isang high end department store habang karga-karga ang apo na hindi pa rin nakikita ang mukha.
Napaka-suwerte raw ni Zanjoe dahil sa mother-in-law niya na madatung.
Hindi talaga ang baby ang masuwerte kundi si Zanjoe. Hahaha.
“Stress-free day with my little Boss and Daddy Z @onlyzanjoemarudo,” caption ni Sylvia sa post niyang inulan ng puso ng kanyang followers.
Mujigae, ‘di raw gaanong tinao
Maraming nanghihinayang sa pelikulang Mujigae, starring ang Korean drama star na si Kim Ji-soo.
Hindi raw ito gaanong pinansin ng local fans.
Nabigyan ng PG rating ang Mujigae ng Movie and Television Ratings and Classification Board (MTRCB).
Kasama ni Ji-soo sina Alexa Ilacad at ang sumisikat na batang aktor na si Ryrie Sophia sa pelikula.
Samantala, Rated PG din ang mga pelikulang The Wild Robot, Alien Country, Japanese animation na Bocchi the Rock: Recap Part 1 at The Forge.
Sa PG rating, dapat kasama ng mga edad 12 pababa ang kanilang magulang o guardian sa loob ng sinehan.
Restricted-13 (R-13) rating ang natanggap ng Bagman at Aftermath.
Mga edad 13 at pataas lamang ang puwedeng manood sa kumpas ng R-13.
“Ating ipinapaalala sa ating mga magulang na gamiting basehan ang mga angkop na klasipikasyon sa mga pelikula para tukuyin ang palabas na tiyak ay kapupulutan ng tuwa at aral ng ating mga kasamang bata,” sabi ni MTRCB Chair Lala Sotto-Antonio.
Bukas, Miyerkules ay magpapalit na naman ng mga pelikulang palabas sa mga sinehan.
At kabilang sa ipalalabas this week ang Balota ni Marian Rivera na nauna nang naipalabas sa Cinemalaya at ang Guilty Pleasure ni Lovi Poe.