Bongga na ulit ang career Rufa Mae Quinto. Regular. Hurado siya ngayon sa KalokaLike segment ng It’s Showtime at wish niya na maging regular co-host siya sa daily noontime show ng Kapamilya network na napapanood sa GMA 7.
Aniya, ka-batch niya sina Vhong Navarro at Jhong Hilario, idolo niya si Vice Ganda at parang pamilya na ang turingan nila ng iba pang hosts tulad nina Ogie Alcasid, Karylle, among others.
Pero mabuti at pinayagan siya ng mister na maging aktibo ulit sa showbiz?
“Oo, nung una iniisip ko na umalis pero ‘yung asawa ko very supportive, you know, sinasabi niya, that’s what you’re good at. Basta diyan ka magaling, sinasabi niya, tuloy mo ‘yan.
“Kaya ako, naniwala ako sa kanya kahit na hindi naging madali para sa aking maniwalang nandito pa ‘ko.
“Kasi syempre ‘di ba nagkaanak, e usually ‘pag ganun ‘di ba... natutuwa ako kasi naging malinaw sa akin ‘yung pagiging maganda ‘yung joke ko mula noon kaya ngayon ‘yun ‘yung sa tingin ko kung bakit lahat ng generation kuha nila eh,” chika niya sa ginanap na media conference ng pelikulang Mujigae kung saan meron siyang important participation.
At in all fairness daw sa mister niya, wala itong restriction sa pagbabalik niya sa trabaho. “Wala naman... basta mabuti. ‘Yung anak lang namin, huwag masyadong ipakilala na hindi mabuti. ‘Yung ganon basta ingatan ko ‘di ba. Tapos siya rin very private sila. Gusto lang niya lagi may respeto. ‘Yung pamilya rin niya. Hindi sila showbiz. ‘Yun lang naman ‘yung request niya. Alagaan ko at ‘wag silang gawing katatawanan. Basta respeto lang ganon,” katwiran pa niya.
At kahit daw sinasama niya ang anak nila sa mga showbiz event, ayaw nitong mag-artista.
“Gusto lang niya, kausap Daddy niya. Dun lang sila. Isa rin ‘yun siguro. Kung bakit ayaw na niya sumama.”
So malabo itong mag-showbiz? “Parang hindi pa. Kasi gusto niya maging YouTuber. Pero ‘pag 1 million subscribers na raw. Doon pa lang ang face reveal. Pero definitely napakagaling na editor. Imagine mo seven nag-i-edit na. Grabe, oo, ang galing. Tapos ‘yung animation parang hindi niya gawa. Amazing, very mature,” sabi niya patungkol sa anak.
At handa naman daw siyang bumalik sa pagpapa-sexy sakaling kailangan sa isang proyekto. “Sa akin naman kung kailangan, okay naman. Eh ako, walang problema magpa-sexy. Basta ‘wag lang ano....”
TV5, pasko na kaagad!
Opisyal nang sinalubong ng TV5 ang kapaskuhan sa pamamagitan ng pag-ilaw sa iconic Red Ball ng Kapatid Network noong Biyernes, Oktubre 4, sa TV5 Media Center, Mandaluyong.
Ang Christmas Red Ball Lighting Ceremony ay isa nang yearly tradition ng TV5 na naglalayong maghatid ng masaya at makahulugang pagdiriwang ng Pasko para sa sa lahat.
Mula sa tema ng selebrasyon ng nakaraang taon na Feel na Feel ang Paskong Kapatid, ang tema ngayong taon na Hatid-Saya ang Paskong Kapatid ay dala ang mensahe ng Paskong puno ng pag-asa at pagtulong sa kapwa, at ang paghahatid-saya sa mga Kapatid saan man sila sa mundo.
“We believe in spreading joy and warmth during the holiday season, and that is what our Hatid-Saya campaign is all about. It reflects our commitment to bring people together in celebrating and sharing the spirit of Christmas in meaningful ways. Kasama kami ng bawat pamilyang Pilipino na maghahatid ng saya, pag-asa, at pagmamahal sa isa’t-isa ngayong Kapaskuhan,” pahayag ni TV5 President and CEO Guido R. Zaballero.
Napalamutian ang event venue ng iba’t ibang makukulay na branded parol tampok ang mga logo ng loyal na advertisers ng TV5, habang humahalo naman sa simoy ng hangin ang amoy ng bagong lutong bibingka at puto bumbong na talaga namang nagpadama ng Paskong Pilipino sa mga nakisaya sa selebrasyon.
Nagtanghal din ang 2023 Grand Winner ng Tinig ng Pasko Chorale Competition mula sa University of Asia and the Pacific (UA&P) ng kanilang rendition ng mga awiting Joy to the World, Veni, Emmanuel!, Kumukutikutitap, Christmas in Our Hearts, at Maligayang Pasko.
Nakadagdag naman sa excitement ang pagdalo ng cast ng bagong TV5 series na Ang Himala ni Nino na sina Achilles Ador, Ryrie Sofia, at Zion Cruz – ang mga bibong child stars na kabilang sa stable of talents ng MQuest Artists Agency (MQAA) ng MQuest Ventures.
Ang Red Ball Lighting Ceremony ay isang paanyaya ng TV5 na makiisa sa Hatid-Saya movement na naglalayong magpalaganap ng kabutihang loob, pagmamahal, at pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang liwanag ng Red Ball ay magsisilbing ilaw ng pag-asa na maghihikayat sa mga Pilipino na magtulungan para sa mas magandang kinabukasan para sa lahat.
Para sa karagdagang impormasyon, bumisita sa www.tv5.com.ph at i-follow ang social media pages ng TV5.