Senior high at high street, mapapanood na sa US at Canada

MANILA, Philippines — Pwede nang ibinge-watch ang lahat ng episodes ng mystery-thriller series na Senior High at High Street  sa United States at Canada kung saan libre ito sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.

Matapos itong pumatok sa Pilipinas, masasaksihan na rin abroad ang nakakaintrigang kwento ng dalawang serye na pinagbibidahan ni Andrea Brillantes at tungkol sa iba’t ibang mga social issue na pinagdadaanan ng mga kabataan. Dito rin nabuo ang kinakikiligang mga love team ng RoxChie (Xyriel Manabat at Elijah Canlas) at TimPoch (Zaijian Jaranilla at Miggy Jimenez).

Sinusundan ng Senior High ang paghahanap ng hustisya ni Sky (Andrea) matapos ang misteryosong pagkamatay ng kambal niyang si Luna. Nakapagtala noon ang serye ng isang bilyong views sa TikTok at higit 38 milyong digital views sa YouTube, Facebook, at iWantTFC sa loob lamang ng dalawang linggo.

Tampok naman sa sequel series na High Street ang pagsabak ni Sky at ng kanyang mga kaibigan sa real world bilang mga adult. Mayayanig ang kanilang mundo sa pagdating ng panibagong kalaban na gustong maghiganti dahil sa kanilang mga nakaraan.

Samantala, pwede rin ibinge-watch ng mga manonood sa United States at Canada ang full episodes ng mga seryeng Can’t Buy Me Love at Linlang. Available rin dito ang High Street Fast Cuts at Pamilya Sagrado Fast Cuts na pinaikling mga episode tampok ang pinakamaiinit na eksena sa serye.

Patuloy ang paglawak ng ABS-CBN Entertainment YouTube channel bilang parte ng layunin ng kumpanya na maghatid ng saya at inspirasyon sa mga Kapamilya sa iba’t ibang parte ng mundo.

Show comments