MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ngayon ni Sen. Bong Revilla ang pagte-taping para sa season 3 ng family sitcom na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis na magsisimula sa October. Marami raw bago sa programa na nakatakda ulit umere sa Disyembre.
Pagdating sa naudlot niyang pelikula na Birador: Alyas Pogi 4, ibinalita ni Sen. Bong na tuloy pa rin ito, hindi na nga lang aabot sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Hard action ‘yon, eh. Dito muna tayo sa Walang Matigas na Pulis... na light lang. Tuloy pa rin ‘yung movie ( Alyas Pogi 4), pero ‘di na aabot for this year, next year siguro,” diin niya sa katatapos na bloodletting activity, Dugong Alay, Pandugtong Buhay, na isinagawa ng aktor-pulitiko sa Amoranto Sports Complex lobby nitong Miyerkules bilang bahagi ng advance celebration ng kanyang 58th birthday sa Sept. 25.
Kasama si QC Mayor Joy Belmonte sa nasabing advance birthday celebration ni Sen. Bong. Close friend ni dating Senador Ramon Revilla Sr. ang dating House Speaker na si Sonny Belmonte, ama ni Mayor Joy, kaya’t malapit sila ng mayora ng QC.
Luis, tumaba ang puso sa isang guro
Kinataba ng puso ng Pambansang Host na si Luis Manzano ang classroom version ng Rainbow Rumble na ginawa ng school teacher na si Alfe Iglesia mula sa Agusan Del Sur para maengganyo lalo ang kanyang mga estudyante.
“Kapag ‘yung game show mo ay ginagamit to teach and for learning purposes, ibig sabihin may ginagawa kang tama. Napakalaking bagay sa amin ‘yun,” sabi ni Luis
Nagpasalamat siya kay Alfe dahil naisip nitong gamitin ang pinakabagong game show ng ABS-CBN bilang isang epektibong diskarte sa pagtuturo niya.
“Maraming salamat sayo Sir Alfie Iglesia. Ginawa niya ‘yung game show natin para sa kanyang mga estudyante. Saludo po kami sa inyo sa pagiging creative, we are deeply honored na nagiging part kami at mas nakakatulong sa mas effective na pagtuturo niyo,” dagdag niya.
Sa kabilang banda, ibinahagi ni Alfe kung paano nakatulong ang format ng laro sa paghahatid ng kanyang mga aralin sa Ingles.
Nagpapasalamat din siya dahil kinilala ng palabas ang kanyang efforts para mas pag-igihan ang pagtuturo sa mga bata.
“I always find a way to make my teaching and learning process more engaging and more meaningful. Masaya ako sa naging response nila (sa Rainbow Rumble) because I find it very effective. I really noticed na merong interaction, merong active participation,” Alfe said.
Gaya ni Alfie, parami nang paraming netizens ang pumuri sa show dahil sa pagiging informative nito pati na rin sa sayang dinadala nito tuwing weekend. Pinuri rin nila ang galing ni Luis sa pagiging host.
Samantala, patuloy ang pagbibigay-saya ng Rainbow Rumble sa mga manonood noong weekend (Setyembre 14 at 15) tampok ang Pinoy Big Brother hosts na sina Kim Chiu, Melai Cantiveros, Bianca Gonzales, Enchong Dee at Robi Domingo at Sexbomb Girls na sina Mia Pangyarihan, Izzy Trazona-Aragon, Monic Icban-Diamante, Mae Acosta-Valdez, at Mhyca Bautista na sumubok sa mga nakakatuwang challenges. Nakakuha ng kabuuang 491,249 combined peak concurrent views ang dalawang episode na napapanood tuwing Sabado at Linggo, 7:15 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at A2Z, at 8:15 p.m. sa TV5.