Louise, pastry chef ang bagong career
Tahimik lamang ang Viva actress na si Louise de los Reyes (32) pagdating sa kanilang pribadong buhay laluna sa usapin tungkol sa kanyang lovelife. Pero nang ito’y mag-guest sa aming online talk show, ang TikTALK with Aster Amoyo sa aming YouTube channel ay inamin nito na anim na taon na ang kanyang relasyon sa non-showbiz boyfriend na si Gino Brion na isang architect. Nasa stage na rin umano sila sa pagpaplano ng pagkakaroon ng sariling pamilya.
Nito lamang nakaraang July ay kinuha si Louise ng Viva Foods bilang pastry chef na pinagpapasalamat ng actress dahil nagkaroon siya ng regular income kumpara sa paggawa ng pelikula o TV series na walang kasiguraduhan kung kelan ang kasunod.
Pero kahit may regular job na siya ay hindi umano ito nangangahulugan na hinto na siya sa kanyang acting career. Katunayan, meron siyang bagong movie na nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa darating na Oct. 9, 2024, ang suspense-thriller movie na Pasahero kung saan niya mga kabituin sina Bea Binene, Mark Anthony Fernandez at iba pa na pinamahalaan ni Roman Perez, Jr. under Viva Films.
Alam mo, Salve A., nagustuhan namin ang pagiging candid at honest ni Louise laluna sa usaping puso during our interview na never nitong inamin in her past interviews.
Ji Soo, ‘di na babalik sa Korea
Alam mo, Salve A., may mga nagtatanong kung tapos na ba ang acting career in South Korea ng 31-year-old Korean actor na si Kim Ji-soo or Ji Soo as he is popularly called.
Ang Korean actor ay nag-relocate na ng Pilipinas matapos itong lumagda ng kontrata sa Sparkle GMA Artist Center kamakailan.
Nauna na itong dumalo sa GMA Gala Night at nagkaroon ng guest appearance sa action-drama series na Black Rider at maging sa Abot Kamay na Pangarap at meron din itong ginawang pelikula sa Pilipinas, ang Mujigae opposite Kapamilya young star na si Alexa Ilacad kung saan ipinapakilala ang batang actor na si Ryrie Turingan who plays the title role at may special participation si Rufa Mae Quinto.
Ang nasabing pelikula ay pinamahalaan ni Randolf Longjas under UXS. Ito’y nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ng SM nationwide simula sa Oktubre 9.
Taong 2020 nang pumirma ng kontrata si Ji Soo sa talent agency na KeyEast pero tinapos ang kanyang kontrata nang ma-involve siya sa malaking kontrobersiya about school bullying and assault which was later on clarified.
Naging aktibo lamang siyang muli nito lamang 2024 nang siya’y dumating sa Pilipinas.
- Latest