MTRCB, ginawang R-16 ang dokumentaryong Alipato at Muog

Lala

MANILA, Philippines — Binigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng Restricted-16 (R-16) rating ang documentary film na Alipato at Muog kasunod ng ginawa na ikalawang pagsusuri sa naturang pelikula.

Ang Alipato at Muog ay kuwento ng nawawalang activist na si Jonas Burgos na dinirek ng kanyang kapatid na si JL Burgos.

Binubuo ang komite mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan nina Atty. Gaby Concepcion, Atty. Paulino Cases, Jr., producer sa pelikula at telebisyon na si JoAnn Bañaga, executive at music producer na si Eloisa Matias, at ang retiradong guro na si Maria Carmen Musngi.

Paliwanag ng komite, binibigyang konsiderasyon nila ang kahalagahan na mabalanse ang interes hindi lamang ng malayang pagpapahayag kundi maging ang interes ng bansa sa pagpapanatili ng integridad nito at ng kaayusan ng publiko.

Bukod dito, ipinaliwanag din nila na kinakailangan ang mas malawak na pag-iisip para maintindihan at maunawaan ang mga seryosong usapin na nais ipakita ng dokumentaryo, habang tinitiyak na hindi malalagay sa alanganin ang paniniwala at kumpiyansa ng manonood sa pamahalaan.

Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 pataas.

Samantala, nilinaw ng MTRCB na habang suportado nito ang mga pelikula at programa na ipinapalabas sa mga kolehiyo at pamantasan na siyang nagsisilbing plataporma pagdating sa pagpapahalaga ng mga pelikula, kinakailangan din na maintindihan ng publiko na ang public exhibitions ng mga pelikula sa paaralan ay nananatiling sakop ng mandato ng MTRCB.

Susog ito sa Section 7 ng Presidential Decree No. 1986 at sa umiiral na Implementing Rules and Regulations (IRR) kung saan, tanging ang mga pelikula, TV program at pampublikong materyal na direktang iniimprenta o pinapalabas ng pamahalaan o ng mga ahensya ng gobyerno ay malaya at hindi na kinakailangan pang suriin o klasipikahin ng MTRCB.

Show comments