Hanggang ngayon diumano ay wala pa ring paramdam ang double Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa kanyang pamilya na nakatira pa rin daw sa looban at nagko-commute.
Pero kahapon ay masaya siyang sumabak sa trending na Maybe This Time TikTok challenge kasama ang kanyang girlfriend na si Chloe Anjeleigh San Jose.
Nauna na nga siyang pinaalalahanan ng dating pulitiko na si Chavit Singson na : “Well, ngayon sikat siya, ‘wag siyang magbago. Dapat siyang role model at number one, pamilya. Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin ‘yon ng Diyos, respect thy father and thy mother.”
At inulit nga niya ang pakiusap kay Caloy kapalit ng ibibigay niya P5 million : “Kung ano ang mga nangyari, patawarin mo na sila. Bilin din ng Diyos ’yan, forgive your… Magbati lang sila, okay na, bigay ko sa kanya P5 million.”
Samantala, problemado pala ngayon ang dating pulitiko at movie producer matapos siyang alukin ni former president Duterte na kumandidato siyang senador sa 2025.
“Ayun na nga problema ko eh, baka akala magse-Senator ako pero nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte. It’s an honor to be endorsed by the former president. ‘Di na ako makipag-usap sa kabila dahil puno na sila. Nakakahiya naman siksik ko sarili ko. Nagpapasalamat ako kay President Duterte at pinipilit din ako, ‘yung mga mayor, na maging presidente ako, councilors, governors, kaya maski hindi ko gawin baka...” bitin niyang sagot sa mga kausap na entertainment media na present sa opening ng ika-10th branch ng BB.Q Chicken sa Festival Mall, Alabang.
Ano pong possibility?
“Possible pero kung tatakbo ako, independent. Pero sariling partido. Lakas sila eh, ako lakas loob,” na ikinatawa ng mga kausap niya.
Tuloy po ‘yung pelikula mo with Manny Pacquiao?
“Ah si Manny Pacquiao susuportahan ko dahil ako nag-udyok sa kanya - tatakbo eh. Maganda nga s’ya dahil nakuha siya sa administration,” aniya pa.
‘Di ba may gagawin kayong pelikula?
“Ah meron. Gagawa kami ng pelikula with Ma Dong Seok (Train to Busan), iyong Taglish. Na-meet na namin. Pupunta rito. Interested siya na gumawa ng studio sa Vigan. Kaya hindi lang isang pelikula ang gagawin, marami.”
Sa studio po sa Vigan?
“Kasama ‘yung ibang mga local natin.”
Action movie raw ang napag-usapan nila.
“Action din. Siya ang pinakamura sa Korea,” na ang talent fee ang tinutukoy.
Kamusta na po ‘yung girlfriend mo na Korean?
“Ah hindi. Marites lang ‘yun. Tinuturuan ko lang. Kaibigan ko lang ‘yung tatay. Walang katotohanan doon. Marites lang ‘yun,” todo tangging sagot ng dating pulitiko na showbiz na showbiz na dahil sa mga konek sa Korean actor.
Bashers ni Jinggoy, nakakuha ng kakampi
Pinasalamatan si Karen Davila ng mga ‘di kampi kay Sen. Jinggoy Estrada. Kabilang nga si Karen sa mga nagpaalala kay Sen. Jinggoy na hindi sila ‘gods.’
Sa tweet ni Ms. Karen : “To our lawmakers,
“Stop victim blaming.
“Treat victims with compassion and sensitivity. Reliving a traumatic experience is horrific, more so in a public hearing.
“Stop barraging, asking “why did it take you 5 years? You should’ve filed a complaint immediately”. Victims are scared. They feel ashamed.
“And this kind of public shaming will not help victims to come out.
“Let me remind our senators, you serve the people. You are not gods. Do not act like it.”
May ilan pa ring hindi gets ang ginawa ng senador / aktor, lalo na sa tono ng pagtatanong niya kay Gerald Santos.
Nauna nang sinabi ni Gerald na hindi naman talaga GMA ang kalaban niya rito kundi ang nanghalay sa kanyang musical director. “Hindi po gma network ang kalaban ko kundi ‘yung mga tao na galit sa akin sa loob ng gma dahil sa pagsusumbong ko at ayaw akong bigyan ng trabaho nung mga panahong ‘yun..
“Lumipat po ako sa TV5 dahil may trabahong naghihintay sakin dun at tatanggapin lamang nila ako kung may release papers..
“Pero kung sinagot po nila ang aking kahilingan na mabigyan ng trabaho ay hindi po ako aalis dahil sa simula at simula ay isa akong Kapuso.
“The fact na tinanggal nila ang aking inakusahan ay nangangahulugang may probable cause. Pero wala kmi natanggap na official reply mula sa kanila kaya after one year ay sumulat ang manager ko sa kanila,” pahayag ng singer.
Kapamilya, binuksan ang tahanan sa trade event
Binuksan ng ABS-CBN ang mga pintuan sa kanilang tahanan upang pasalamatan ang iba’t ibang brand partners sa kanilang suporta sa Kapamilya Trade Event kahit na nga tinuturing na silang content provider na ginanap noong Agosto 14 hanggang 16.
Nagsilbing reunion para sa ABS-CBN at mga advertiser ang trade event na tinawag na Kapamilya Homecoming mula nang magtapos ang pandemic.
Umapaw rin ang kasiyahan dahil sa world-class entertainment na hatid ng Kapamilya stars at ang pagdalo ng ilang mamamahayag ng ABS-CBN sa trade event.
Bukod dito, nakabisita rin ang advertisers sa PBB house, nakilahok sa TV Patrol news challenge, at nagkaroon ng eksklusibong pagkakataon na maging bahagi ng Rainbow Rumble, ang bagong game show ng ABS-CBN na pinangungunahan ni Luis Manzano.
Nakita rin ng mga advertiser ang mga teaser para sa paparating na serye nila. Kabilang dito ang Saving Grace, It’s Okay Not to be Okay, Incognito nina Daniel Padilla, Maris Racal, Anthony Jennings, at Richard Gutierrez; at ang Nobody na pagbibidahan naman ni Gerald Anderson.
“This really provides a homecoming, a big homecoming kasi matagal na namin silang hindi nakikita at nami-miss namin sila. Naipakita namin sa kanila na sa kabila ng lahat ng nangyari sa amin, we evolved into something that is still their best conduit, “ sabi ni August Benitez, ABS-CBN head ng Integrated Sales.