Isinilang na ni Angeline Quinto ang second baby nila ng non-showbiz husband niyang si Nonrev Daquina kahapon (Aug. 14), 8:10 a.m. sa St. Luke’s, Taguig.
Ang bagong silang na baby girl ay pinagalanan nilang Azena Sylvia Daquina. May timbang itong 6.5 lbs. at may habang 47.6 cm.
Sa larawang kuha ng Kreative Talent Management na siyang nangangalaga ng career ni Angeline ay makikita ang black and white photo ng Kapamilya singer habang nasa delivery room.
Sa Instagram naman ng panganay na anak nina Sylvia at Nonrev na si Sylvio ay makikita ang iba pang photos nilang mag-anak with baby Sylvia habang nasa ospital sila.
“I finally met you Baby Azena Sylvia,” ang caption ni Sylvio.
Tulad ni Sylvio ibinase rin ng mag-asawa ang pangalan ng second baby nila sa yumaong Mama Bob ni Angeline whose real name was Sylvia Quinto.
Sen. Bong, ipinagmalaki ang graduation ng kanyang mag-iina
Very proud si Sen. Bong Revilla sa kanyang asawang si Lani Mercado at sa dalawang anak sina Bryan at Jolo dahil sabay-sabay na nagtapos ng master’s degree ang mag-iina sa De La Salle University, Dasmariñas, Cavite.
Sa kanyang Facebook account ay nag-upload ng larawan ng kanyang mag-iina ang aktor/pulitiko na kuha sa graduation day mga ito. Makikitang nakasuot ng toga ang tatlo.
“Pinatunayan nyo na edukasyon ang susi sa katuparan ng mga pangarap at walang imposible sa sinumang nagpupursigi. Here’s to endless possibilities and more success in the coming years!
“You are my pride, my joy and my inspiration! Saludo si Papa sa inyo! Again, congratulations on your Masters degrees. PhD next? Game!” caption ni Sen. Bong.
Sa separate Instagram post naman ni Jolo ay ibinahagi niyang pare-pareho ang kurso nilang tatlo na Sustainable Leadership and Governance.
“Iniaalay ko po ang panibagong tagumpay na ito sa aking asawa at pamilya, mga kaibigan at kasamahan sa paglilingkod, at sa lahat ng aking mga kababayan sa Unang Distrito ng Cavite. Naniniwala po ako na ang patuloy na pagpapanday sa ating kaalaman at mga kakayahan sa larangan ng serbisyong publiko ay makatutulong upang maging mas mahusay, makatao, at epektibo ang ating panunungkulan bilang lingkod-bayan,” pahayag ni Jolo.