Kasisimula pa lamang ng exhibit ng memorabilia ng star for all seasons na si Vilma Santos sa Archivo gallery sa Makati noong Sabado ng gabi, pero ngayon ay napakarami na raw inquiries mula sa mga gallery goers at nagtatanong ng schedule na tatagal nang dalawang linggo. Marami na rin daw inquiry mula sa ilang iskuwelahan.
Tumaas kasi ang awareness ng mga estudyante at mga kabataan sa pelikula simula nang dumalo si Ate Vi sa mga talk back ng mga nagawa niyang klasikong pelikula at habang ang mga iyon ay ipinalalabas sa mga piling paaralan. Sa nakita nilang exhibit marami ang nagsasabing mas marami ngang makakaunawa ng industriya ng pelikula kung makikita ang exhibit at kung papaano nag-evolve ang career ng star for all seasons sa mahigit anim na dekada.
Pero ang problema, ang nakalagay sa exhibit ay mula sa isang “private collection” at hindi rin naman natin alam kung ipahihiram nila iyon maliban sa kanilang sariling gallery.
May mga naka-exhibit doon na lumang magazines pero hindi nakasama roon ang lumabas noong Movie Queen Vilma Santos Komiks Magazine, isang lingguhang komiks magazine na nakapangalan kay Vilma Santos.
Maaari ring isama sa exhibit ang mga magagandang gowns na nagamit ni Ate Vi in the past. Hindi naman siguro ipagdadamot ni Ate Vi ang mga bagay na iyon kung para naman sa exhibit din tungkol sa kanya.
Intervention ni Santa Clara, kailangan ng local TV industry
Noong Linggo ay kapistahan ni Santa Clara. Si Santa Clara ay kinilalang patron ng telebisyon noong 1958. Ginawa siyang patron ng TV ni Pope Pius XII dahil sa isang milagro sa kanyang buhay. May isang panahon na may sakit si Santa Clara at hindi siya nakapunta sa Greccio kung saan ipagdiriwang ang misa sa hatinggabi ng Pasko.
Subalit sinasabing mahimalang nasaksihan niya ang buong pagdiriwang ng banal na misa sa mismong pader ng kanyang kuwarto na parang naging isang malaking telebisyon sa kanya. Noong panahong iyon ay hindi pa naiibento ang television.
Habang kami ay tahimik na nananalangin at naghihinatay ng kasunod na misa naidalangin namin kay Santa Clara ang industriya ng ating telebisyon sa ngayon. Talamak ang mga nagaganap sa sexual harassment. Hindi pa natatapos ang usapin ni Sandro Muhlach at ng dalawang independent contractors ng GMA 7 bigla namang sumingaw ang diumano ay pang-aabuso rin ng isang news program manager sa isang baguhang lalaki ring researcher sa isa pang network na tila mas malala pa ang nangyari,
Nakakatakot isipin na mukhang napapasok na nga yata ng ispiritu ng Diablo ang ating television industry at wala tayong magagawa kundi ipanalangin na lamang sila.
Nawa sa pamamagitan ni Santa Clara ay matigil na ang mga iskandalo at imoralidad na nangyayari sa industriya ng telebisyon sa ating bansa. Kasi ano man ang sabihin ninyo kasiraan iyan ng industriya at maging ng ating bansa.