Cong. Goma, naaalala pa rin ang pangaral ni Mother
Naalala ni Cong. Richard Gomez ang laging paalala sa kanya ni Mother Lily Monteverde noong araw “huwag kang magpasakit ng ulo ng ibang tao” na parang panuntunan naman daw niyang sinunod sa kanyang buhay kaya hindi siya naging sakit ng ulo ng kanyang asawa, mga kasama sa trabaho at maging ng mga mamamayang kanyang pinaglilingkuran.
Ilang taon nga naman siyang congressman ng Ormoc at kung may problema ay inaaksiyunan niya agad para hindi siya maging sakit ng ulo ng ibang tao, dahil iyon ang laging pangaral sa kanya ni Mother.
Kaya nga ang sabi ni Cong. Goma, kahit ngayong wala na si Mother susundin pa rin niya ang pangaral noon na huwag siyang maging sakit ng ulo ng kahit na sinong tao.
Ate Vi, nagulat sa sariling exhibit
Ang buong akala namin ay late kaming darating sa exhibit ng mga memorabilia ni Ate Vi (Vilma Santos).
Hindi na sana namin kailangang pumunta sa exhibit pero ang kuwento nina Jojo Lim ng VSSI (Vilma Santos Solid International, Inc.) at noong iba pang Vilmanians ay napakaganda raw at nakakagulat ang exhibit na sinilip na nila the night before. Kaya bantulot man sige lumakad na kami.
Maganda nga ang exhibit, naroroon ang halos lahat ng posters ng pelikula ni Ate Vi at may mga naka-display ding stills ng pelikula.
To their credit natuwa kami at nakita namin sa exhibit ng covers ng mga plakang ginawa Ate Vi noong araw. Kumakanta rin naman si Ate Vi at iyong kanyang unang album na Sixteen ay kung ilang linggong number one sa chart at naging gold record.
Hindi lang iyon, iyong isang all Pilipino album niya na ang title ay Batya’t Palupalo ay naging gold din kaya nga ginawa pa iyong pelikula nila ni FPJ o Fernando Poe Jr.
Ang ilan sa album covers niya ay kasama rin sa exhibit. Pero siguro sabi nga namin kung kami ang gumawa ng exhibit ni Ate Vi naglagay kami ng mga mannequin at hiniram namin sa mga couturier gaya ni Danilo Franco ang ilan sa mga damit na ginamit ni Ate Vi at isasama namin sa exhibit. Iistorbohin din namin si Ate Vi, para ang kanyang acting trophies at maisama rin sa display.
Pero para magawa iyon ang kailangan ay isang malaking venue, dahil sa trophy pa lang niya saksakan na ng dami.
Nagulat din si Ate Vi nang makita ang exhibit. “Hindi ko akalain na may mga taong makakaipon nang ganyan, ako nga mismo walang ganyan eh,” sabi ng Star for all Seasons.
Arabella, susubok kay Inigo
Natatandaan namin, nagte-taping noon ng Anim na Dekada ni Ate Vi sa ABS-CBN nang makita namin ang isang napakagandang babae. Nang makausap namin siya, nalaman namin na ang pangalan niya ay Arabella, at anak pala siya nina Jackie Lou Blanco at Ricky Davao.
Ang ganda talaga ni Ara kaya sabi namin pagbutihin niya at tiyak na may darating din sa kanyang break at sisikat siya bilang isang artista. Nang sabihin namin kay Ricky na maganda ang kanyang anak at maaaring sumikat bilang artista, ang nasabi lang niya ay “sayang ano, wala na si Boss Mina.”
Kung iyong batang iyan ay nakita lang ni Mina Aragon tiyak na kukunin iyan at gagawing star sa pelikula.
Pero ngayon ay magiging star na naman siya. Ang balita siya ang magiging leading lady ni Inigo Pascual sa isang pelikulang ididirehe ni Joel Lamangan.
- Latest