Ate Guy, naka-wheelchair at hirap magsalita

Ate Guy at Bona stars
STAR/File

MANILA, Philippines — Ang solid pa rin talaga ng suporta ng Noranians kay Ms. Nora Aunor.

Dumagsa sila sa Ayala Malls Manila Bay noong Sabado para sa closing film ng Cinemalaya Bente.

Ang pelikula niyang Bona ang ipinalabas sa apat na sinehan, na talagang na-sold out lahat.

Kahit masama pa ang pakiramdam ni Ate Guy, pinilit niyang dumalo.

Naka-wheelchair siya na dumating sa Cinema 2 ng Ayala Malls dahil ang haba ng lalakarin niya.

Dumating din si Phillip Salvador, ang leading man ni Nora sa pelikulang ito at ang nakakatuwa, sina Nanding Jozef at Ruby Ruiz na sobrang bagets pa at ang payat nung kasali siya sa Bona at gumanap na kapatid ni Nora.

Sayang at wala roon si Marissa Delgado na maganda rin ang role.

Hindi na nakapanayam si Ate Guy dahil medyo hirap pa siyang magsalita. Umalis na siya nung pa-ending na ang pelikula.

Nilinaw lang namin kay Phillip Salvador ang tungkol sa kanyang political career.

Diretsahan namin siyang tinanong kung tuloy ba ang pagtakbo niya para sa Senado sa darating na 2025 elections.

“Oo. Tuloy ako,” kaagad niyang sagot sa amin.

Suportado si Kuya Ipe ng mga kaibigan din niyang senador na si Sen. Robin Padilla, pero makakasabay naman niya sa pagtakbo ang bestfriend niyang si Sen. Bong Revilla.

Therese, bumigay sa halikan sa kadugo

Nagkaroon na ng Philippine premiere ang pelikulang Guardia de Honor na dinirek ni Jay Altarejos.

Tampok sa pelikulang ito sina Laurice Guillen, Allen Dizon, Sunshine Cruz at Therese Malvar.

Mabigat ang tema ng pelikula na kung saan ay tumatalakay sa kuwento ng

incest sa isang pamilya.

Anak ni Allen dito si Therese Malvar, at meron silang kissing scene na nagulat kami kung paano napapayag si Therese na gawin ‘yun.

Bale pangalawang kissing scene na itong nagawa ni Therese, pero medyo light lang ‘yung unang ginawa niya sa Broken Blooms nila ni Jeric Gonzales.

Sinasabi pa naman ni Therese na never pa niyang na-experience na makipag­halikan, kaya hindi talaga siya kumportable.

Daring na masasabi dahil tatay niya sa pelikulang ito ang kahalikan niya, at medyo torrid pa.

“Sinabi kasi ni Tito Ferdy sa akin na sobrang ganda ng material. Para nga siyang Insiang ganyan. Siyempre ‘yung strong message niya about trauma and abuse within the family. So, dun ako naka-focus. E kailangan sa eksena, ‘yung kissing scene para mas maging impactful ‘yung message niya lalo na ‘yung pang-aabuso nung tatay. Kaya ayun po,” napapangiting pahayag ni Therese nang nakatsikahan namin sa Philippine Premiere ng pelikulang AbeNida ni direk Louie Ignacio.

Kahit halatang kabado, mukhang pinaghandaan naman daw ito ni Therese, sabi ni Allen.

“Nung napanood ko, sabi ko, grabe naman ‘yung ginawa namin,” saad ni Therese Malvar.

Show comments