Hindi pinalagpas ng aktor na si Mon Confiado ang content creator na gumawa ng “copypasta” at ng kuwentong ‘di totoo tungkol sa kanya na may layuning magpatawa.
Ibinahagi ni Mon ang mahabang post ng isang content creator na nagkuwento na nakasalubong daw niya ang aktor sa isang grocery store sa Marikina kung saan hiniling niyang magpakuha ng litrato.
Sa halip na pumayag daw ito ay dinuro-duro raw siya ni Mon sa mukha at hindi binayaran ang mga kinuhang 15 Milky Ways sa grocery. Pinagsisigawan din daw nito ang cashier sa tindahan.
Pinalabas pa niyang magnanakaw ang aktor na pinalagan nito.
Pinadalhan niya ng mensahe ang content creator at ipinaliwanag daw nito na wala siyang intensyong dungisan ang pangalan niya at sinabing joke lang ang kuwento.
Paliwanag pa raw ng content creator na kahit may mga nakalagay na joke lamang ito sa mga comment ay hindi lahat ay maiintindihan ito.
Naglagay man daw ito ng “disclaimer” ay huli na at hindi pa rin nito inalis ang post.
Nang sabihin daw roon ni Mon na gagawa siya ng legal na hakbang ay sinagot pa raw siya ng mayabang na content creator ng “Trace? Is this a threat?” at hindi pa agad tinanggal ang post.
Nakatanggap nga raw siya ng mga mensahe na nagtatanong kung may katotohanan daw ba ang post.
Pero mukhang natakot din ito dahil nag-post din ito ng formal apology sa aktor at binura na ang misleading post.