Binalikan ni Alma Moreno ang pagkuha sa kanya ni Mother Lily Monteverde para maging exclusive contract star ng Regal Films noong 1978.
Kahit daw sa Crown Seven siya ni-launch via Ligaw Na Bulaklak in 1976, nagkainteres sa kanya si Mother Lily at gusto pa siyang pasikatin.
“Sabi lang niya sa akin ‘Gawa ka ng movie sa akin. Huwag kang mag-alala, aalagaan kita, parang anak ko na.’ Sobrang pag-aalaga tapos kapag medyo ninenerbiyos ako, nagbabantay siya sa set. Nanay na nanay. Kasi siyempre ‘baby’ pa ako, magsusuot ka ng medyo sexy, binabantayan ka niya bilang nanay, nakaalalay siya,” sey niya na 17 years old lang noon nang unang magsuot ng “magic kamison” sa pelikulang Bomba Star.
Naging box-office star si Alma noong ‘70s and ‘80s. Ilan sa mga kumita niyang movies sa Regal Films ay Nympha, Waikiki, City After Dark, Bedspacers, Throw Away Child, I Confess, The Diary of Cristina Gaston, The Rape of Virginia P. at Secrets of Pura.
Dagdag pa niya, hindi raw siya pinabayaan ni Mother Lily kahit bumagsak noon ang career niya.
Cesar, emosyonal sa pagbabalik ng Rizal…
Hindi napigilan ni Cesar Montano na maluha matapos panoorin ang digitally restored and remastered version ng 1998 pelikula niyang Jose Rizal na produced ng GMA Films.
“This movie was released about 26 years ago, hindi ko akalain na mapapaiyak pa rin ako, e. Sobra, sobrang ganda. Magaling ‘yung pagkakagawa, napaka-genius talaga ng pagkaka-direct nitong movie. Nalulungkot din ako dahil sana nandito si Direk Marilou Diaz-Abaya na na-witness niya ‘tong restoration na ‘to. It’s really a great honor to be part of this movie,” pagbigay-pugay ni Cesar kay Direk Marilou na pumanaw noong 2012 dahil sa sakit na breast cancer.
Nabalik-tanaw si Cesar kung paano nila pinaghandaan ang pagganap bilang Jose Rizal.
“Nung time na ‘yun, 1998, ang nasa isip ko lang ay paggawa ng action films. At ito pong ating mahal na direktor, biglang in-offer sa’kin ang Jose Rizal.
“Sabi ko pa, parang ito na lang ‘yung maaalala sa’king pelikula ‘pag wala na ako bakit hindi ko tatanggapin itong Jose Rizal? Sabi ko naman, siguro madali itong gawin. Eh kasama ko pa po puro mga National Artist. Pinag-aral po ako ng Espanyol ng pitong buwan.”
Naging official entry sa 1998 Metro Manila Film Festival ang Jose Rizal at hinakot nito ang 17 awards.
Taylor Swift, pinlanong atakehin ng mga terorista
Cancelled ang tatlong araw na concert ni Taylor Swift na The Eras Tour sa Vienna, Austria dahil sa banta ng terror attack.
Ayon sa Reuters, balak na atakehin ang lugar na pagdarausan ng concert ni Swift na Ernst Happel Stadium.
Dalawang suspek sa planong pag-atake ang naaresto, isa rito ay isang 19-year-old na Austrian citizen na nanumpa ng katapatan sa Islamic state.
Ire-refund ang bayad sa mga nabiling tickets. Next stop niya ay sa London ng anim na gabi sa Wembley Stadium na magsisimula sa Aug. 15.