Marian at Mylene, malakas ang laban sa Balanghai trophy!
MANILA, Philippines — Dagsa ang mga taong nanood sa Cinemalaya 20 na ginanap sa Ayala Malls Manila Bay na nagsimula noong Biyernes.
Ang pelikulang The Gospel of the Beast ni Sheron Dayoc ang opening film noong Biyernes. Pero hindi ganun ka-star-studded ang opening nito kahit marami namang big stars na kasali sa sampung full length films na kalahok.
Akala nga namin darating sina Marian Rivera, Mylene Dizon, at iba pang big stars na may entry sa ngayong taong Cinemalaya, pero wala sila.
Kagabi dumalo si Marian sa gala night ng pelikulang Balota na entry ni Kip Oebanda.
Napanood na namin ito noong Sabado, dahil ito ang ipinalit sa isang entry na hindi pa pala puwede for screening. Maaga pa lang ay sold out na ang mga screening ng Balota, kaya idinagdag na itong screening noong nakaraang Sabado.
Malaking bagay na si Marian ang bida sa pelikulang ito na ibang-iba sa mga nagawa niya.
Mukhang natutukan talaga ni direk Kip ang aktres na hindi mala-teleserye ang acting niya.
Pero naging action star din siya rito na mala-Darna ang pakikipagbakbakan sa ilang eksena.
Naibigay ng GMA Primetime Queen ang kakaibang performance na lalong nagpaangat sa pagiging magaling na aktres.
Ang dami ngang natuwa sa ginawa niya sa Balota, kaya naghuhulaan na silang makukuha nito ang Balanghai trophy ng Best Actress.
Pero iba ang taste ng hurado, kaya hindi pa natin masabi sa ngayon.
Ang isa pang pinuri ay si Mylene Dizon na magaling din sa pelikulang The Hearing ni direk Law Fajardo.
Ang daming good reviews kaming nakuha sa The Hearing na nakaka-relate raw ang kuwento nito sa mainit na isyung pinag-uusapan ngayon. Ginagampanan ni Mylene ang role ng isang ina ng batang deaf-mute na inabuso ng maimpluwensyang pari.
Ang tawag tuloy nila ay “na-Sandro Muhlach” ang bata rito na magaling din sa pelikulang ito.
Ibinahagi ni direk Law na natisod daw nila ang kuwentong ito sa pagre-research nila ng kuwento ng isang court interpreter. Sabi pa ni direk Law, “For me as an artist, I’ve been doing a lot of films already. Iba-ibang genre. So this one, medyo personal. Medyo seryoso.
“For me, because sabi ko, since ‘yung subject namin is about the deaf mute boy, a deaf, sabi ko, ‘If ako ang magbibigay-boses sa batang ito, and then why not?’
“So ayun, so dito nag-start ‘yung The Hearing. Hindi ko na muna ikukuwento sa inyo, kasi napakasimple naman ng story nung The Hearing.”
- Latest