Sunud-sunod na kalungkutan sa show business nitong mga nakaraang araw.
Pumanaw si Leonardo Monteverde o lalong kilala sa tawag na Father Remy, ang asawa ni Mother Lily Monteverde ng Regal Films. Tahimik siyang pumanaw sa edad na 86 noong Martes, Hulyo 29, 2024, dahil sa pneumonia.
Ang kanyang mga labi ay nakalagak sa 38 Valencia Events Place sa Quezon City mula Hulyo 30 Martes, hanggang Agosto 2, Biyernes.
Ang mga oras ng pagbisita ay mula 10:00 a.m. hanggang 11:00 p.m., na may araw-araw na misa sa 7:00 p.m.
Sa show business mas high profile si Mother LiIy kaysa kay Father Remy pero sa iba nilang mga negosyo si Father Remy ang siyang namala.
Si Father Remy ay malaki ang nagawa sa samahan ng mga independent film producers, isa siya sa mga itinuturing na haligi noon ng samahan ng mga independent producers.
Noong una, isa lang ang samahan ng mga producer ng pelikula, maraming mga maliliit na kumpanya na hindi makasali riyan. Noon ay may regulasyon na kailangan ka munang makagawa ng kung ilang pelikula bago ka makasali sa kanilang samahan. Kalaban nila noon ang mga fly by night na gagawa lang ng isang pelikula tapos ay wala na. Iyon ang mga producer na masama ang image noon dahil hindi nagbabayad sa mga artista at iba pang suppliers. Gagawa ng pelikula na utang lang ang puhunan at kung hindi kumita nagtatago na.
At ‘yun ang tinutulungan ni Father Remy.
Sa kasalukuyan ay ang anak na nilang si Roselle ang namamala sa Regal Entertainment.
Mike Tan, naalala sa nangyaring diumano’y panghahalay sa young actor
Naglabas na ang GMA Network ng isang statement tungkol sa tsismis na may isang young actor na galing sa isang malaking showbiz clan na sinasabing diumano’y pinagsamantalahan ng dalawang production executives na bading pagkatapos ng GMA Gala kamakailan.
Ayon sa tsismis, pinainom ng dalawang production executives ang poging newcomer at nang nalasing iyon ay pinagsamantalahan diumano nila. Ang kuwento pa nga, “ginawang midnight snack” ng dalawang manyakis na production executives ang young actor.
Mabilis namang sinabi ng GMA na ang mga sinasabing nagsamantala sa isang baguhang actor ay “independent contractors” lamang ng kanilang network kahit na madalas diumanong dumadalo sa kanilang mga event at pinakikilalang sila ay mga bahagi ng production ng kanilang teleserye.
Ganunpaman, sinabi nila sa kanilang statement na hindi nila kinukunsinti ang ganoong gawain at naghihintay pa sila ng opisyal na reklamo mula sa biktima, at saka sila gagawa ng imbestigasyon.
Ang usapan sa kasalukuyan, hindi raw maghihintay ng imbestigasyon ng network ang biktima dahil nakikipag-usap na nga sa dalawang bigating abogado ang ama ng sinasabing biktima para sampahan ng kaso ang mga sumalbahe sa kanyang anak.
May ganyan nang nangyari noong araw, sa pagitan ng actor na si Mike Tan na nagreklamong diumano’y pinagtangkaan siyang halayin ng isang bading na director habang siya ay nagpapahinga sa pagitan ng mga eksena niya sa isang taping.
Ang nakarating na kuwento noon ay may ginawang sanctions ang Channel 7 laban sa director na iyon. Pero hindi rin nila nabigyan ng proteksiyon si Mike na ang career naman ay inipit ng ibang bading na director na nakisimpatiya sa baklang director na sinasabing nagtangkang humalay kay Mike Tan.
Dumalang ang assignment ni Mike, at lumamig ang kanyang career hanggang sa ngayon.
Nawa’y maayos nila ang mga ganyang pangyayari at hindi lang basta linisin ang kontrobersya sa social media.