Ipinagmamalaki nila na noon daw finale ng serye ni Ruru Madrid ay nakakuha iyon ng ratings na 15.6% at tinalo ang serye ni Coco Martin na ang nakuha lamang ay 14.7 percent.
Tuwang-tuwa na silang nakasingit sila ng mas mataas na ratings kahit na isang araw lamang.
Pero hindi ba nila naisip na ang serye ni Ruru ay nasa isang istasyong 150KW power.
Mayroon pang isang factor hindi ba’t naunang nagsimula ang serye ni Coco kaysa sa serye ni Ruru? Pero hanggang ngayon patuloy pa ang serye ni Coco na mataas pa rin ang ratings samantalang tinapos na ang serye ni Ruru.
Parang hindi dahil sa ang pangalan ay Ruru puwede na siyang itapat kay Coco.
Hahahaha.
Lovelife ng KathNiel, sikretuhan
Pinagkaguluhan daw ng mga Pinoy na OFW sa Canada, at iba pang Pinoy immigrants doon ang shooting nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na nasa ikalawang araw na. Mabuti naman daw at sa kabila ng napakaraming tao napakiusapan nila ang mga iyon na huwag masyadong magulo kaya naituloy nila ang shooting. Kung dito nga sa atin basta may shooting ay nagkakagulo ang mga tao, doon pa ba na sabik silang makakita ng mga artistang Pilipino.
Kilala nila at sikat din doon si Kathryn, dahil napapanood nga ang mga ginawang serye ng KathNiel sa TFC. Si Alden naman ay sumikat din nang todo hanggang sa abroad noong magsimula ang AlDub sa Eat Bulaga kung saan katambal niya si Maine Mendoza.
Nakagawa rin sila ng isang pelikulang naging box office record holder of all time at masasabi nating kredito iyon ni Kathryn dahil may record na hindi pareho ang katambal niya – ang pelikula nila ni Daniel Padilla na The Hows of Us.
Bago nagsimula ang shooting nila, kumakalat iyong diumano ay panliligaw ni Alden kay Kathryn matapos na iyon at makipag-split sa ex-boyfriend niyang si Daniel Padilla. Pero bakit nung nagsisimula na ang shooting nila lumalabas namang hindi pala si Alden kundi may isang non-showbiz boyfriend na raw si Kathryn.
Samantala may nagsasabi namang may syota na raw si Daniel ngayon na ang pangalan ay Amanda.
Naku hayaan na nga natin ang mga lovelife nila. Kundi man sila naglalantad alam na natin ang dahilan, ang followers nila sa social media siyempre.
David, ginawang hapon
It was not served on a silver platter para kay David Licauco. Inamin niyang hindi naging madali para sa kanya ang pagiging artista at may panahon nga raw na naisip niyang tumigil na dahil baka hindi iyon ang propesyong nababagay sa kanya. Inaamin niyang sumikat lang siya nang husto noong makatambal si Barbie Forteza sa Maria Clara at Ibarra kaya nga pinahaba pa ang role niya roon.
Matagal din pala siyang nagtiyaga bilang “talent” na ang ibig sabihin ay “extra.”
Naikuwento nga niya wala talaga siyang role, minsan ay lalakad lang siya pero pinagtiyagaan niya iyon dahil gusto nga niyang maging artista.
Inamin din ni David na mahirap talagang ihanap ng role ang isang Chinese at “saka hindi naman tayo kaguwapuhan.”
And the rest is history, sabi nga. Ngayon ay hindi Chinese ang ginagampanan niyang role sa Pulang Araw kundi isang Japanese.