Mariel, naglitanya sa scammers!
Umalma sina Jolina Magdangal, Mariel Rodriguez, Aubrey Miles at dating aktres na si Antoinette Taus sa scammers na ginagamit ang kanilang pangalan para makapanloko ng mga tao.
Kanya-kanyang paglilinaw ang ginawa ng mga nabanggit na celebrities sa kani-kanilang social media accounts para bigyan ng babala ang kanilang followers na huwag basta-basta maniwala sa mga taong nagpadala ng mensahe under their name.
Isa kasi sa naging modus operandi ng mga manloloko at scammers ay ang magpanggap na artista para makapanghingi ng pera at ang palabas nila ay gagamitin daw para itulong sa mga nasalanta ng bagyong Korina.
Ang poser ni Jolina ay muntik pang mabiktima si Ice Seguerra at mabuti na lang ay nagtsek muna ang OPM singer kung talaga ngang si Jolens ang nag-message sa kanya para maghingi ng pera.
Ibinahagi ni Jolens sa kanyang Instagram account ang mga mensaheng ipinadala ng kanyang poser sa mga kapwa niya artista at binalaan ang publiko na hindi siya ang nanghihingi ng donasyon.
Ini-repost din ni Jolina ang post ni Antoinette na ginagamit din ang pangalan nito para makapanghingi ng pera. Hinala niya ay iisang tao lang ang poser nila dahil pareho ng contact number.
Ganito rin ang nangyari kay Aubrey kaya ipinost din niya ang mga mensahe ng kanyang poser sa mga kaibigan niya at nagbigay ng babala sa scammer.
Naglitanya naman nang bonggang-bongga si Mariel sa mga scammers sa kanyang Instagram Story.
“Yung mga nangsascam using my name and now using @milesaubrey naman getting money from people. This message is for you, using donations and other people’s misfortune for your greed, laziness to work and all other despicable aspects will be your first class ticket to hell.
“Ang karma hindi mo man directly maramdaman pero babalik at babalik yan sayo at sa pamilya mo. Itigil mo yan! Itigil mo kagagahan mo! Magtrabaho ka ng marangal,” ang pagtataray ni Mariel.
Sarah, apektado sa namatay na loyal fan
Nagluluksa ang mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo dahil sa pagpanaw ng long-time fan ni Pop Star at dating presidente ng Popster na si ate Mhel.
Sa X account ni Matteo ay nagpahayag ang aktor ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng yumaong Popster at binigyang-pugay ang mga nagawa nito para sa kanilang mag-asawa.
“Ate Mhel, it has been very sad to hear about her passing. Thank you for the support since day one. You were a big part of our relationship. Salamat. Condolence to the family and the popsters,” tweet ni Matteo.
Sa comment section ay may mga nag-post pa ng lumang larawan ni Sarah noong nagsisimula pa lang ito kasama ang yumaong fan, meaning, since from the start ay fan na siya talaga ni Pop Star.
Inalala rin ng kapwa-Popsters ang mga nagawa ni ate Mhel para sa kanila at sa kanilang idolo.
- Latest