Naisip namin, kung nangyari ang bagyong Carina noong panahong aktibo pa si Angel Locsin, tiyak na nakasalampak na naman siya sa lapag at kasama sa nagbabalot ng relief goods na ipamimigay ng Red Cross.
Matagal naging Red Cross volunteer si Angel, at hindi lang siya tumutulong sa trabaho, may panahon pang ibinigay niya ang isa niyang kotse para ibenta at ang napagbentahan ay diretso sa relief operations para sa mga biktima ng bagyo.
Medyo nagpreno lang si Angel dahil isipin mo nga naman, tumutulong na siya na-red tag pa siya noon.
Sa mga ganyang relief operations hindi mo na mapipili ang binibigyan mo ng tulong.
Natural sa rami ng tao, masasabi mo ba kung ang lumalapit sa iyo ay rebelde o hindi? Isa pa, ang Red Cross ay tutulungan kakampi man o kalaban. Laging neutral ang Red Cross kaya iginagalang sila kahit na sa giyera, basta nakita ang bandera nila sa sasakyan, hindi gagalawin ng magkabilang panig.
Sa totoo lang, malaking kawalan si Angel sa Red Cross.
Akala nila, nakakita na sila ng isa pang Rosa Rosal.
Pero isipin mo nga naman, tumutulong ka na ikaw pa ang palalabasing masama. Na parang iyong mga nagbintang naman sa kanya ay hindi tumutulong kundi nagwawaldas lang ng pera ng bayan.
Kotse ni Andre, hindi na nahanap sa baha
Maski ang mga artista, hindi rin nakaligtas sa hagupit ng bagyong Carina.
Umagang-umaga noong Huwebes ay hinahabol nina Aiko Melendez ang kotse ng kanyang anak na si Andre Yllana na natangay ng tubig-baha. Masyadong malakas ang agos at malaki na ang tubig na pati kotse ay nabuhat at tinangay.
Pero habulin mo man iyan ay hindi mo na talaga aabutan, dahil mahirap ka namang lumakad sa malalim na baha at ganoon nga ang nangyari, hindi na nila inabot ang kotse at kung saan napadpad ay hindi pa nila alam. At makuha mo man iyon tiyak na malaking gastos ang pagpapagawa.
Ang consolation na nga lang ni Aiko sa kanyang sarili, kotse lang iyon at pwede namang palitan ulit mas mabuti na iyon kaysa sa may nadisgrasya pa sa kanila dahil mas mahalaga at hindi mapapalitan ang buhay ng tao.
Naalala namin ang nangyaring ganyan sa isang kapitbahay namin noong bagyong Ondoy. Sa lakas ng ragasa ng tubig, nabuksan ang gate ng kanyang bahay, at ang bago niyang SUV ay natangay ng tubig baha. Hinabol niya iyon sa baha, at sa hindi naman malamang dahilan bumaliktad ang sasakyan, inabot siya, tumama ang ulo niya sa gulong ng kanyang sasakyan. Eh mas matibay ang gulong ng sasakyan niya sa ulo, nadale siya.
Nasaklolohan siya pero nagkaroon ng delay ang pagdadala sa kanya sa ospital, walang makuhang sasakyan, tapos marami pang kalyeng hindi madaanan. Umabot naman siya sa ospital pero namatay rin.
Kaya tama si Aiko. Sasakyan lang iyan, oo nga at nawalan ka pero oras na magkapera ka, pwede ka ulit bumili ng bago.
Kaya bakit mo kailangang ibuwis ang buhay mo dahil lamang sa isang sasakyan?
Saka ang isang sasakyang nalubog na sa baha, marami ka na ring kailangang palitan, at baka nga hindi mo na rin pakikinabangan. At malamang para ka na ring bumili ng bagong kotse.
Kaya kung ganoon na rin lang ang sitwasyon, bakit mo pa hahabulin?
Hindi nga lang kotse pero kami ay biktima rin ng baha noong Ondoy. Huli na nang mapansin naming napakabilis ng paglaki ng tubig-baha.
Lumulutang na ang lahat ng aming kasangkapan. Tinulungan kami ng isa naming kapitbahay. Hinila kami paakyat sa bubong ng bahay.
Nasira ang lahat ng aming mga kasangkapan at iba pang gamit na nagawa naming bilhin unti-unti sa pagdaan ng panahon.
Masakit isipin na ang ipinundar mo ng ilang taon na galing sa iyong pinaghirapan nawala na lang at sukat.
Pero ano nga ba ang magagawa mo kung talagang kalooban ng Diyos na mangyari iyon, mangyayari iyan ano man ang gawin mo.
Sa mga biktima ng bagyong Carina, ipagdasal na natin na makabangon ang lahat ng mga naapektuhan.