Bakit kaya nauso na ang tie?
Hindi namin pakikialaman ang hindi namin alam, kasi iyan namang mga nagbibigay ng award, prerogative nila iyon kung ano ang desisyon nila, maliban lang kung mismong mga miyembro na nila ang umaangal.
Ang una naming encounter sa isang tie ay noong 1973. Nag-tie bilang best actress sina Boots Anson Rodrigo, at si Vilma Santos. Ang inaasahan nila ay ibe-break ng presidente nila ang tie. Pero tumanggi siyang mag-break ng tie, ang katuwiran niya kung manalong best actress si Boots Anson, normal na iyon dahil dati namang kinikilalang mahusay na aktres si Boots. Pero kung mananalo rin si Vilma bagong balita iyon sa show business. Dahil noong panahong iyon ay papa-angat na ang career ni Vilma.
Hindi nga siya bumoto kaya nadeklarang tie sina Vilma at Boots. Wala namang umangal dahil may certification ang accounting firm nila, noon ay ang SGV na talagang pareho ang bilang ng mga botong natanggap ng dalawa. Wala namang umangal sa mga miyembro kaya tumahimik na lang kami kahit na laban kami roon dahil nasa rules ng award-giving body na iyon na dapat i-break ng presidente ang tie. Dahil sa nangyari, nilabag ng mismong presidente ang rule, pero iginiit niya na iyon ay “prerogative niya” bilang presidente.
Walang batas ang Pilipinas na nagre-regulate ng pagbibigay ng awards, lalo na sa showbiz. Kaya naman kahit na iyong walang kakayahan, at walang kaalaman sa paggawa ng pelikula nagbibigay na ng awards.
Bihira ang samahang kagaya ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors), na ang biro nga ng dati nilang presidenteng si Eugene Asis ay “wala kasing nagturo sa amin eh.”
Noong isang araw, ang sinasabi naman ng kanilang presidenteng si Salve Asis, “hindi naman kami kailangang kumita, ang gusto lang namin ay bigyang parangal ang karapat-dapat na mga artista at pelikula. Sa amin basta may nagkamaling sumira sa rules, mananagot hindi lang sa organization kundi ganoon din sa mga diyaryong pinagtatrabahuhan nila. Kaya ingat na ingat kami sa mga bagay na iyan.”
Mayroon pa namang mararangal na taong nagbibigay ng awards, na ginagawa para makatawag ng pansin ang industriya na muling makuha ang pagtangkilik ng mga tao.