^

Pang Movies

Vilmanians, natuwa sa panalo ni Julia

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Vilmanians, natuwa sa panalo ni Julia
Vilma

May lumabas na posts na gawa ng kung sino, na may fictitious account sa Facebook, na binabash daw ng mga Vilmanian sina Julia Montes at Charlie Dizon matapos na talunin ng dalawa si Vilma Santos sa nakaraang 7th Eddys.

Pero papaanong mangyayari iyon eh matapos na manalo ang dalawa puro congratulations nga ang pagbati ng Vilmanians. Noong tanghali ng Lunes nakausap namin ang ilang lider ng Vilmanians namely sina Willie Fernandez ng VSFFI, ang professor na si Ronnie Orig Gan, at si Rene Novisteros. Over lunch ay ipinakita pa nila sa amin ang mga picture nila kasama sina Julia at Charlie pagkatapos ng Eddys dahil naroroon sila at nanood ng awards night ng SPEED.

Sabi nga nila “bangag lang ang magsabing bina-bash namin sina Julia at Charlie.”

Bakit nga ba iba-bash ng mga Vilmanian si Julia eh isa iyon sa mga kaibigan nila. Tandaan ninyo na ang Aktor Ph na isang samahan ng mga artista sa pelikula at telebisyon ang lead agency na nag-endorse sa nomination ni Ate Vi bilang national artist, kaya imposibleng may sabihin silang masama sa kahit na sinong artista lalo na nga sa mga miyembro ng Aktor Ph.

Lalo namang imposible na i-bash nila si Charlie Dizon dahil iyon ay inaanak sa kasal ni Ate Vi. Isa siya sa tumayong ninang nang magpakasal sina Charlie at Carlo Aquino?

“Naniniwala naman kami sa integrity ng Eddys. Hindi ba unang-una nilang best actress ay si Ate Vi noong panahong hindi namin iyon inaasahan.

“Isa pa, iba’t iba naman ang choices ng mga jury sa mga award natural lang na hindi sila pare-pareho ng resulta.

“Basta ang mga Vilmanian ay walang angal at naniniwala kami at tinatanggap namin ang desisyon ng Eddys. Iyan pa bang award giving body na wala namang history ng anomalya ang hindi mo paniniwalaan,” pagtatapos pa nila, at nagsimula na nga kami sa ibang mga kuwento.

Eva Darren may pakiusap sa mga nakakalimot

Happy ang beteranang aktres na si Eva ­Darren. Kinilala siya ng Eddys o Entertainment Editors’ Choice bilang isa sa mga icons ng film industry. Iginalang siya nang husto, hindi siya pinagbayad para sa kanyang dinner a isang sosyal na hotel, ang Marriott Hotel, at hindi siya nabastos na pinalitan ng isang hindi kilalang baguhan.

Sasabihin nila na nakalipas na iyon at dapat na ngang kalimutan. Pero naikukumpara lang naman namin ang professional handling ng isang awards night ng SPEED (Society of Philippine Entertainment Editors) sa ginagawa ng iba.

Hiniling ni Eva na huwag namang isasantabi ang mga betarana sa acting na kagaya niya “dahil kung wala ang mga nakaraan ay wala rin ang kasalukuyan.”

Tama naman siya. Sa katunayan hindi ba maraming mga beteranang aktres at actor ang siya nilang kinukuha ngayon sa mga serye sa telebisyon, dahil nagpapakita sila ng kahusayan at propesyonalismo na dapat gayahin ng mga baguhan ngayon.

Kim, dinadawit ng fans ni Xian

Nananawagan ang ilang baguhang stars sa pelikula na idinerehe ni Xian Lim sa mga fans ni Kim Chiu na huwag namang siraan at i-boycott ang kanilang pelikula. Ipinaliwanag naman nilang si Xian ay bahagi lamang ng pelikula at marami silang artistang nagtulung-tulong doon na unfair namang basta i-boycott ng  fans ni Kim Chiu.

Ang masasabi lang namin mukhang nakakaladkad pa ang pangalan ni Kim Chiu sa kanilang publisidad.

Totoo namang mas sikat si Kim Chiu kaysa kay Xian Lim, pero hindi nila mapagbibintangang kagagawan ng mga fans ni Kim Chiu ang dahilan kung bakit bagsak ang kanilang pelikula.

Mandurukot sa BGC, viral na

Hindi na rin kami kagaya nang dati na napakadalas sa BGC. Noong bago mag-pandemic, madalas kami roon dahil sa isang bookstore kung saan kami bumibili ng mga librong mahirap mong makita sa iba at may mga CD ng mga hard to find songs. Bukod doon may isang tindahan doon ng mga damit at iba pang mga gamit na ang may-ari ay isang kaibigan namin.

Noon basta sinabing BGC medyo upscale na iyan hindi masikip at wala kang aalalahaning madaraya ka o may mangyayaring masama sa iyo

Pero matapos ang pandemic, masyadong marami na ang public transport na nakakarating sa BGC, napasok na iyon ng halu-halong mga tao. Mapapansin mong marami ang lakaran lang nang lakaran at kung medyo gagabihin ka imposibleng hindi mo mapuna ang mga kabataan na nasa sidewalk lamang sa labas ng isang bar, doon sila naka-istambay at marami na ang mga hindi magagandang tsismis dahil sa kanila. Marami nang nababalitang mga “pick up girls” at mga “car fun boys” na naroroon.

Lately ay mas matindi, ang Korean football player na si Yi Young Park ay naglabas ng isang video ng dalawang babaing mataba na nakunan pa niya ng video habang tumatakas matapos na siya ay dukutan. Tinatakpan ng dalawang babae ang kanilang mukha habang hinahabol ni Yi at nang may dumaang shuttle bus mabilis silang tumakbo at sumakay sa bus at tuluyan na nga nilang natakasan ang pobreng Koreano na kanilang nadukutan.

Ano pa nga ba ang magagawa mo kung napagnakawan ka na at natakasan ng mga nagnakaw. Ipinost na lang niya ang video ng dalawang matabang babae at nagpayong mag-ingat basta nakita ang mga taong iyon.

VILMA SANTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with