Isang oras pa lang ang nakalipas matapos ang announcement ng AKTOR PH na sila ang nangunguna sa mahigit na 20 iba’t ibang non-government organization sa pagno-nominate kay Vilma Santos Recto bilang isang Pambansang Alagad ng Sining, may parinig na agad sila sa social media, “Si Dingdong ni-nominate lang ang kanyang ninang gumastos pa at tumawag ng presscon sa Manila Hotel.”
Nakakainggit nga naman lalo na at sinasabing si Vilma Santos ay kailangang ihanay sa mga Pambansang Alagad ng Sining, hindi lamang dahil sa kanyang body of works kundi dahil siya ay isang isang mabuting halimbawa sa mga Pilipino.
Sinasabi nga ng grupo ng educators na kaisa ng AKTOR PH na si Vilma ay ineendorso rin nila dahil maganda siyang halimbawa sa mga kabataan at dahil noong kanyang kapanahunan bilang isang public servant ay napalaki ng kanyang ginawa para sa sector ng edukasyon sa kanyang nasasakupan.
Sinasabi niyang ginawa niya iyon dahil inspired din siya sa naging role niya sa isang pelikula nila ni Aga Muhlach, na gumanap bilang isang gifted child at hindi na pinag-aral ng kanyang pamilya dahil nahihiya sila sa maaari niyang gawin sa eskuwelahan.
Sinabi din ni Dingdong Dantes na nang iyan ay pag-usapan nila sa isang meeting ng board ng AKTOR PH ay pumayag ang lahat unanimously walang isa mang member ng board na tumanggi, at sa kanilang general assembly, lahat din ay umayon at nagpahayag ng kanilang damdamin na suportahan si Vilma Santos dahil sa kanilang naging magandang karanasan nang makasama nila iyon sa trabaho.
Si Vilma sabi nga nila ay larawan ng propesyonalismo.
At hindi pa riyan titigil ang AKTOR PH. Makikipagtulungan sila para mailabas sa iba’t ibang venue sa buong bansa ang mga klasikong pelikula ni Vilma na minahal ng masa, upang ang mga iyon ay mapanood ng mga kabataang hindi pa buhay halos nang ipalabas ang mga iyon at nang higit nilang maunawaan kung bakit siya kailangang ideklarang national artist.