Inaamin na nila ang totoong mga pangyayari na sumailalim sa rehab si Diego Loyzaga at ang ina niya mismong si Teresa Loyzaga ang nagdala sa kanya sa rehab.
Matagal nang tsismis ‘yan. Kung natatandaan ninyo may panahong marami ang nagulat nang isugod na lang si Diego sa ospital dahil nagtangka siyang mag-suicide. Pinalabas noong mga panahong iyon na matindi lamang ang kinaharap niyang problema at mga sama ng loob kaya nangyari ang ganoon.
Walang umamin na posibleng naka-droga siya nang gawin niya iyon. Pero noon mayroon kaming isang informed source na nagsabing pagkalabas nga raw ni Diego sa ospital inilipat siya sa isang rehab center na pribado. Lihim na lihim iyon dahil ayaw rin naman nilang masira nang husto ang image ni Diego.
Pero nakabawi si Diego. Naging matibay siya sa kanyang paninindigan, nagbago ng buhay nakatagpo siya ng mga kakampi at naging responsible rin siya sa mga iyon ang tatlong anak na babae ni Sunshine Cruz.
Noon halos pare-pareho sila ng sama ng loob at nagkatulungan sila para mabago ang kanilang paniniwala at magkaroon ng magandang paningin sa buhay. Parang nakakita siya ng kakampi sa tatlo niyang kapatid, at ganoon din naman sila sa kanya. Naging mas malapit sila sa isa’t isa at malaki ang naitulong noon sa kanilang lahat.
May tinitingalang “kuya” ang tatlo niyang kapatid na babae, at nadama naman ni Diego na mayroon siyang mga kapatid na umaasa sa kanya.
Malaking bagay iyon sa kanyang naging pagbabago, at ang nakakatuwa pa, sa ngayon ay ginagawa niya ang lahat para ipadama sa kanyang anak ang pagmamahal, isang bagay na hinahanap niya noon at hindi kaagad nadama.
Vic at Vice, babalik sa MMFF
Mukhang mas malalaki ngang pelikula ang ilalabas sa Metro Manila Film Festival sa taong ito at sinasabing sasabak na muli sa pelikula sina Vic Sotto at Vice Ganda na gumagawa ng mga top grossing film sa festival.
May kanya-kanya raw silang pelikulang isasali.
Para naman kasing nawalan lang ng gana ang dalawang iyan nang minsang i-reject ng festival committee ang pelikula nila at ang ipinasok ay puro indie. Inilabas nila ang pelikula nila bago nagsimula ang festival, at nahakot nila ang mga tao sa takilya.
Ngayon nakahanda na naman daw silang bumalik na sa MMFF. Nauna na ring nasabi na may gagawin ang director na si Chito Roño na isang pelikula kung saan magkakasama naman sina Vilma Santos at Judy Ann Santos. Tiyak na magiging isa rin iyang napakalaking hit. Ang pelikula nilang dalawa bilang stars ay kumikita na nang malaki, ngayong pagsasamahin pa sila sa isang pelikula, tiyak na mas malaki.
Sana naman maging hits ang mga pelikulang kasali sa festival gaya nitong nakaraang taon. Alam na nila ang sistema sa promo na kailangan nilang gawin para sila ay pasukin.
EDDYS, walang anomalya!
May nagtatanong sa amin, bakit daw kami hindi gumagawa ng forecast kung sino ang mananalo ng awards? Hindi namin ginagawa iyan dahil naniniwala kaming ang jurors ng bawat award-giving body ang siyang tanging may karapatan kung sino ang gusto nilang manalo. Kahit na ano pa ang pagbatayan namin, maaaring iba ang kanilang batayan.
Ang SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) halimbawa na siyang nagbibigay ng Eddys o Entertainment Editors’ Choice, ang panuntunan niyan ay mataas.
Kaya naman sinasabi naming sa ngayon ang pinagkakatiwalaan lang namin ay ang Eddys dahil wala kaming naririnig na anomalya tungkol sa kanila.
Naalala namin, isa pang anomalya sa awards ang “switching.” Hindi totoong nangyari lamang iyan sa Manila Film Festival.
Nangyari na rin iyang switching sa isang award noon pang early ‘70s. Dahil kami ang isa sa naging watcher sa pagbibilang ng mga boto ng accounting firm alam namin kung sino ang nanalo.
Nang ipo-proclaim na ang best actor, hindi kumuha ng presentor, iyong presidente ang gumawa ng announcement pero ibang actor ang binigyan ng award.
Maraming alibi na ginawa sa amin ang mga opisyal ng award-giving body. Pero lahat ng iyon ay hindi totoo.
Pero sabi nila sa susunod na taon ay babawi sila hindi na kami sumali noong kasunod na taon.