Marami nang inire-report na paglabag sa Eddie Garcia Law. Ang call time raw ng production crew ay alas-tres ng madaling araw, at ang pack-up time ay alas-dos the following day.
Maliwanag na paglabag sa walong oras at hanggang 12 oras lamang na pagtatrabahong itinatakda ng batas. May mga trabahado na nagsasabing ganyan pa rin ang nangyayari sa ngayon pero ayaw naman nilang magharap ng pormal na reklamo o sabihin man lang kung anong proyekto ang kanilang ginagawa at sino ang producers. Natatakot kasi silang oras na gawin nila iyon matanggal sila sa trabaho at mapalitan ng iba.
Pero papaano nga ba ipatutupad ang Eddie Garcia Law kung walang magrereklamo?
Ang mga artista, maaaring pumalag at tumangging magtrabaho sa mga hindi miyembro ng guild o sa producers na hindi sumusunod sa patakaran, pero ngayon maging ang mga artista ay madaling palitan. Papatayin lamang ang kanilang character sa istorya at tuloy ang trabaho nang wala na sila.
Kaya marami sa mga artista ang nagba-vlog na rin ngayon dahil dagdag na kita iyon sa kanila lalo na’t madalang pa sa patak ang ulan sa tag-araw ang dating ng projects, maliban siguro kung ang ginagawa mo ay mga low budget sex movies na inilalabas lang sa internet.
Ang dapat talaga, ang guilds ay kilalanin na bilang mga union ng DOLE (Department of Labor and Employment) para magkaroon sila ng mas malakas na personalidad laban sa mga abuso sa paggawa.
Ate Vi, ‘di na interesado sa award
Nakakatawa ang mga publicity slant ng isang award giving body. Para makatawag ng pansin, halos lahat ng sikat na artistang babae ay sinasabi nilang nominee nila at lumalaban bilang best actress, kabilang na ang Star For All Seasons na si Vilma Santos.
Pero alam naman natin na si Ate Vi, kailanman ay hindi naghahabol sa awards. Gusto niya ang pelikula niya ay kumikita.
Para kay Ate Vi kung manalo siya ng award “salamat,” kung hindi naman, “nanalo na siya dahil kumita ang kanyang pelikula” at iyon ang assurance na gusto pa siya ng publiko at magpapatuloy pa ang kanyang career.
Pero papaano iyang pinipilit na naman siyang tumakbong governor ng Batangas?
“Iyan ipinagdadasal ko pa at titingnan ko kung ano ang signs na ibibigay ng Diyos sa akin” sabi ni Ate Vi.
Bea, nagsalita sa ginawa ni Dominic!
Hindi raw si Bea Alonzo ang kumalas kay Dominic Roque sabi niya sa isang TV interview.
Hindi rin naman daw niya iniwan si Kim Chiu sabi ni Xian Lim. Si Kim daw ang nakipag-split sa kanya.
Pero ayaw nang balikan ng dalawa ang tunay na dahilan ng split at parehong nagsasabi na ok naman sila ng kanilang mga “ex.”
Naniniwala kami kay Bea, dahil mukhang wala naman sa kanya ang problema at ngayon hindi na niya iniintindi iyon, madalas na lang siya sa “farm” niya sa Zambales.
Marami siyang mga puno ng mangga roon. Madalas din dun ang kanyang ina na lagi naman niyang kasama at isang tunay na Pilipino.
Kung gusto naman niya ng bakasyon, maaari siyang magpunta sa bahay niya sa Spain. Tahimik na ang buhay niya.
Ang sinasabi naman ni Xian na si Kim ang nakipag-break sa kanya, puwedeng totoo, kasi naman sinabi niyang hindi pa niya mapapakasalan iyon habang nabubuhay pa ang lolo at lola niya na siya ang nag-aalaga.
Ayaw naman siguro ni Kim na kung ikakasal siya ay lola na siya.