Sa hindi namin malamang dahilan, aywan kung bakit parang nega ang dating ng balitang nagpakasal na sina Carlo Aquino at Charlie Dizon.
Pati si Jolina Magdangal na dumalo lamang sa kasal at nagpaabot ng kanyang pagbati kinabukasan sa pamamagitan ng social media, binanatan ng netIzens. May nagsabi pang “tuwang-tuwa ka hindi mo man lang inalala ang inanakan niyang una at ang anak niya.”
Ang tinutukoy ay ang dating girlfriend ni Carlo na si Trina Candaza at ang anak nilang si Mithi. Nag-post din si Trina ng isang blank wall sa kanyang social media account matapos na mabalitang nagpakasal sina Carlo at Charlie, dahil siguro hindi na niya alam ang kalalabasan ng kanilang anak.
Pero walang kasal na lihim, actually mali ang sinasabi nilang secret marriage. Hindi maaaring magkasal nang walang dalawang witness, ibig sabihin hindi na secret iyon dahil may dalawang witness. Kung walang dalawang witness, invalid ang kasal.
Eh sa kaso nina Carlo at Charlie ang dami ngang ninong at ninang. Ang dami rin nilang celebrity guests kaya’t kumalat na rin ang pictures dahil sa kanilang wedding photographer.
Iwa, pwede na ring ikasal
Nagpahayag naman ng katuwaan si Iwa Moto, si Aileen Iwamoto sa tunay na buhay, nang lumabas na ang annulment ng kasal ni Pampi Lacson at Jodi Sta. Maria. May social media post pa si Iwa Moto na “Let’s celebrate.”
Dahil nga naman sa annulment, maaari na silang pakasal ni Pampi na 12 taon na rin naman niyang kasama. May dalawa na rin silang anak.
Samantala may anak din si Pampi kay Jodi na si Thirdy.
Kailangang hintayin ngayon ni Jodi kung makakakuha nga ng annulment si Raymart Santiago sa kasal niya kay Claudine Barretto at kung mangyayari iyon maaari na rin silang pakasal nang legal.
Albie, dinepensahan si Nikko
Ipinagtanggol din naman ni Albie Casiño ang kapwa artistang si Nikko Natividad dahil sa panlalait doon sa kanyang comment na pumuna sa pagpapahiya ng dalawang participants sa contest ng It’s Showtime.
Sabi ni Albie, “Saludo ako sayo brother @nikkonatividad. Wala naman mali sa sinabi ni Nikko, lahat naman tayo may sariling opinion and we all [have] the right to voice that. Ang mahirap is gusto niyo mawalan ng trabho ang taong nag susuport ng pamilya dahil lang sa opinion niya.”
Tama si Albie, kahit na sino maaaring magbigay ng opinion sa bagay na iyon dahil naganap iyon sa national television, ibig sabihin bukas sa publiko, at natural lang na kung may hindi maganda sa paningin ng nakapanood, magsalita sila.