Lea, sinukatan na ng wax

Si Lea Salonga ay igagawa ng isang wax figure na ilalagay bilang bahagi ng exhibit sa Madame Tussauds sa Singapore. Ang kumpanyang iyan ay kilala sa paggawa ng mga mahuhusay na wax figure na kamukhang-kamukha talaga ng tao.

Kabilang sa mga nasa wax figures sa kanilang exhibit ay mga kilalang lider sa mundo at mga sikat na artist. Doon namin nakita ang wax figures nina Elvis Presley, Marilyn Monroe at iba pang mga sikat na artista, pati na si James Dean na kung titingnan mo akala mo mga buhay na taong nakatayo sa iyong harapan. At maraming mga tao ang nagpapakuha ng pictures sa harap ng mga figure na iyon. Matagal na nang mapunta kami sa isang exhibit nila at natuwa kaming magkaroon ng ganoong experience. Nagpapalit din naman sila may inilalagay silang wax figure pero kung sa tingin nila hindi iyon nakakatawag ng pansin, inaalis nila at pinapalitan ng bagong personalities.

Isang malaking karangalan para kay Lea Salonga na magkaroon ng isang wax image na kasama sa display na iyon, at karangalan din nating mga Pilipino na isang artista natin ang kinikilala sa buong mundo. Kung hindi ka kilala sa buong mundo, hindi ka isasama sa exhibit ni Madam Tussauds. Kung hindi ka rin maganda hindi ka isasama roon dahil wholesome exhibit naman iyon, hindi horror house.

Inaabangan!

Malaki ang inaasahan ng publiko sa ika pitong Eddys. Kung sa loob ng nakaraang anim na taon ay sinasabing “unblemished” ang image ng Society of Philippine Entertainment Editors, sa pagbibigay ng award sa Eddys, lalo na nga ngayong nasa seventh year na sila. Mas nasanay na rin sila sa pagbibigay ng mga award na talagang ikararangal naman ng awardees. Sa loob ng nakaraang anim na taon, masasabi ngang “walang katapat na halaga ang tropeo ng Eddys.” Hindi kagaya ng iba na alam mong may “katapat na halaga” at nagaganap ang bentahan na parang palengke.

Noon ngang nakaraang taon, may isang member ng isang award-giving body na nasa isang malayong probinsiya na nakatira ang nagsabi sa amin na “pupunta ako ng Manila sa weekend, kasi ibibigay na raw ni _______ iyong balance niyang 4K sa mga member dahil nanalo na siya ng award.” Common din sa kanila ang usapan kung magkano ang kinita ng bawat isa sa kanilang awards. May isa pang pagkakataon na may sinipa silang member dahil iyon daw dapat ibigay sa mga miyembro ay “kinangkong pa ng fixer.”

Kaya nga sa tingin namin, iyan ang kaibahan ng Eddys. Walang lagayan. Walang mga trip sa abroad. Walang mga malalaking TV set na kailangang ibigay at walang kailangang pambili ng kotse ng mga opisyal ng award giving body. Kasi nga disente naman ang Eddys, at hindi mo makukuha sa ganoon lang ang mga member. Mga galing sila sa mga lehitimong diyaryo. At dahil galing nga sa mga lehitimong diyaryo, may kahihiyan sila.

Sa Hulyo 7 pa ang 7th Eddys, pero marami na kaming naririnig na nag-aabang sa kanilang ibibigay na awards, at tiyak iyon, sino man ang makatanggap ay karapat-dapat.

May nakakatawa pa kaming karanasan. Mayroon kaming suki sa palengke kung saan kami bumibili ng mga produktong mula sa farm. Minsan nasabi niya sa amin na may isang araw na hindi siya magtitinda, nang tanungin namin kung bakit ipinakita niya sa amin ang dalawang invitation sa isang awards night. Tinanong naming kung papaano siyang naimbita.

“Iyong nag-iikot na bookkeeper dito sa palengke na nag-aayos ng mga report na ibinibigay namin sa BIR, siya pala ang nagta-tabulate ng boto sa awards, dahil pinsan daw siya ng isang opisyal ng award giving body.”

Ganoon pala iyon, bookkeeper lang sa palengke, hindi isang licensed certified public accountant na siya sanang dapat.

Show comments