Seth, may disenteng bahay na!

Seth Fedelin.

Masaya ang 21-year-old Kapamilya young actor at ex-PBB housemate na si Seth Fedelin na nakapagtapos na siya ng high school sa kabila ng kanyang busy schedule sa showbiz. Gusto rin niyang makapagtapos ng college kung mahahati niya ang oras niya sa trabaho at pag-aaral.

Limang taon na rin ang kanilang loveteam ni Francine Diaz na pinaniniwalaan ng marami na girlfriend na niya.

Nakatakdang simulan nina Francine at Seth ang first movie nila sa bakuran ng Regal Films, ang My Future You na nakatakdang pamahalaan ni Crisanto Aquino.

Thankful ang binata na hanggang ngayon ay patuloy pa ring sinusuportahan ng fans ang kanilang tambalan ni Francine.

Although si Andrea Brillantes ang unang ka-loveteam niya, nabuwag ito nang mag-break ang dalawa at maugnay ang young star sa basketball player na si Ricci Rivero na nauwi rin naman sa hiwalayan. Pero nabuo naman ang FranSeth loveteam nila.

After PBB, unang nakilala si Seth sa hit afternoon TV series na Kadenang Ginto kung saan nabuo ang Gold Squad nila nina Andrea, Francine at Kyle Echarri. Ito’y nasundan ng Huwag Kang Mangamba na isa ring primetime hit TV series.

Samantala, bukod sa pagtatapos ng high school, masaya rin ang binatang actor na nabigyan na rin niya ang kanyang pamilya ng disenteng bahay kahit sandali pa lamang siya sa showbiz.

Jiro, wala na sa hitsurang na-hook sa droga

Mataba at healthy ang pangangatawan ngayon ng dating award-winning child actor na si Jiro Manio at walang mag-aakala na ito’y dumaan sa mara­ming taon ng pagiging drug addict.

Maraming taon at pagkakataon ang kanyang sinayang dahil sa kanyang pag­kagumon sa ipinagbabawal na droga na kanyang sinimulan when he was only 14.

Umaasa ang actor na hindi pa huli ang lahat sa kanyang pagbabagong buhay at muling pagbangon para maitama niya ang maling landas na kanyang tinahak.

Ulila na siyang lubos sa kanyang mga magulang na ang Japanese national biological father ay hindi man lamang niya nasilayan at nakilala.

Ang kanyang Daddy Andrew (his maternal grandfather) ang tumayong ama’t ina sa kanila ng kanyang nakababatang kapatid na si Anjo at hindi tumalikod sa kabila ng mga nangyari sa kanyang buhay.

Kinse anyos naman siya nang maging isang ganap na ama sa kanyang ex-partner na apat na taon ang tanda sa kanya. May dalawang anak na parehong   babae si Jiro sa kanyang ex-girlfriend, na may sariling pamilya na rin ngayon.

Pareho nang tinedyer ang kanyang mga anak na sina Mishka Caxiopeia at Sisha Calliope Katakura (Jiro’s family name) na nakakausap lamang umano niya on FaceTime. Pero balak umano niyang dalawin ang kanyang mga anak in Quezon Province balang araw. “Gusto kong makabawi sa kanila,” asam ni Jiro na umaasa na siya’y muling mabibigyan ng pagkakataon na makabalik sa showbiz.

Si Jiro ay naka-grand slam win bilang Best Child Actor nang kanyang gawin ang Magnifico in 2003 na pinamahalaan ng kanyang dating manager, ang namayapang award-winning director na si Maryo J. de los Reyes.

Rhen, ‘di nababakante!

Thankful sa Viva ang mahusay na aktres na si Rhen Escaño dahil patuloy siyang pinagkakatiwalaan ng magkakasunod na magagandang proyekto. Bukod sa tumatakbong action-drama series sa TV5 na Lumuhod Ka Sa Lupa, malapit na rin siyang mapanood sa kanyang bagong movie under Viva, ang Karma mula sa panulat at direksyon ni Albert Langitan.

Tampok din sa nasabing pelikula sina Sid Lucero at Roi Vinzon kasama sina Paolo Paraiso, Leandro Baldemor, Krista Miller at Mon Confiado.

Show comments