Ang problema ng FAMAS ay hindi matatapos iyan sa mga ganyang usapan. Tingnan ninyo ang nangyari, kawawa naman sina Kathryn Bernardo, Piolo Pascual at Alfred Vargas, ni hindi na sila napag-usapan dahil sa kapalpakang nangyari nang kumbidahin ng FAMAS si Eva Darren, at gumastos ng mahigit na P61K sa lahat kabilang na ang P20K na tickets ng FAMAS na ibinenta sa kanya, tapos nabastos pa.
May kanya-kanyang alibi sila.
Pero hindi lang ang kaso ni Eva Darren eh may mga kasamahan kami sa simbahan na nag-uusap tungkol sa FAMAS kasi ang isa sa mga kasamahan namin ay pamangkin ng aktres na si Tina Loy. Si Tina Loy noong kanyang kapanahunan ay radio drama superstar, at siya ay executive ng RPN bago iyon sinequester.
Nagsasalita pa si Tina Loy sa stage nang hinahatak na siya ng isang staff ng organizer ng nasabing awards night pababa ng stage dahil masyado na raw mahaba ang kanyang speech.
Sino ang nag-utos sa staff na hatakin paalis sa stage ang isang icon na kagaya ni Tina Loy?
Iyon bang director ng show? O baka naman sabihin na namang ang pro ng FAMAS.
“Kawawa naman ang tita Tina ko, ginawang parang basura,” sabi ng pamangkin ni Tina Loy sa amin.
Natural ganoon ang sasabihin ng mga kaanak niya na nanood sa internet lang ng kanilang awards. Isipin mong makita mo ang tiyahin mo na mahigit 80 na ang edad na kinakaladkad pababa sa stage?
Wala silang galang sa senior citizens, at sa isang showbiz icon pa naman.
Kaya tama rin si Divina Valencia, hindi naman kasi sila taga-showbiz nasampid lang sila sa industriya dahil sa FAMAS.
Maxene, walang simpatya sa mahihirap!
Ang lakas ng loob ni Maxene Magalona sa pagsasabing dapat daw magkaroon na ng divorce sa Pilipinas, dahil tayo na lang daw ang bansa na walang divorce. Bakit dahil ba sa iyon ang ginagawa ng ibang mga bansa iyon na ang solusyon sa problema ng mag-asawa?
Naiintindihan ba nila ang kakabit ng divorce? Alam ba nila kung ano ang alimony o suportang pinansyal? Alam ba ni Maxene kung gaano kabigat iyon?
Tama ang sinasabi ni Senate President Chiz Escudero, kung makakalusot ang panukalang batas sa divorce, lalabas na iyon ay magagawa lamang ng mga mayayaman, ang mga mahihirap hindi naman puwedeng makipag-divorce. Pambayad nga lang sa abogado wala sila eh, sa alimony pa?
Isa pang tama ay si Congressman Richard Gomez, ang Pilipinas ay isang bansang Kristiyano at sa relihiyong Kristiyano ay walang payag sa divorce. Eh di ang gagamit nga lang niyan ay iyong mayayamang may gagastahin sa kaso at nakahandang magbayad ng alimony mahiwalayan lang ang asawa nila.