Kyline, hindi nagpaapekto sa pamimintas

Kyline Alcantara

Merong mensahe ang aktres na si Kyline Alcantara para sa kanyang ‘little old me.’

Idinaan niya sa isang video kung paano niya nalagpasan ang mga pagsubok sa buhay at nakiisa siya sa trending online makeup challenge na may kanta ni Taylor Swift na Who’s Afraid of Little Old Me?

Sa caption niya sinabing niyang higit pa sa isang makeup challenge, lagi siyang naghahanda sa real-life challenges.

Bilang isang artista, marami raw bagay na inaasahan sa kanya. Araw-araw siyang gumigising at naghahanda sa pagharap sa camera at mga tao kahit pa mabigat ang problemang dinadala niya sa buhay.

Madalas pa nga ay tila walang pakialam sa kanilang nararamdaman ang mga nagkokomento sa social media account nila at hindi iniisip ng mga ito kung masasaktan sila sa mga salitang sinasabi ng mga ito.

Ang video na kanyang pinost ay para sa kanyang dating siya na kinailangang maging malakas sa tuwing mabigat ang mga pagsubok na dumarating sa kanya kung saan kinakailangan niyang ngumiti at magpatuloy kahit hirap na hirap na siya.

Makikita kasi sa video ang mga pamba-bash sa kanya na masasakit na salita na naapektuhan siya nang sobra.

Maaalalang nasangkot siya sa intriga nang nagkaroon ng ispekulasyon ang netizens na hiwalay na sila ni Mavy Legaspi.

Sa pagtatapos nito ay may mensahe siya sa kanyang followers na may mga pinagdaraanan gaya niya. Sinabi nito na “Don’t let the background noise dull your shine, you can make it. Better days are coming, let us all claim it.”

Show comments